MANILA, Philippines – Inakusahan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Miyerkules, Mayo 31 ang isa sa mga inaakusahang mastermind sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo na si Marvin Miranda na siyang direktor sa iba pang mga suspek sa pagbaligtad nila sa kanilang testimonya.
Sa ngayon ay may kabuuan nang 10 suspek sa kaso ang nagbawi ng kanilang testimonya na nagdidiin kay suspended Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves at sinabing wala silang alam tungkol sa pagpatay.
Kabilang dito ay sina Joric Labrador at Benjie Rodriguez, na nagpangalan na isang “Cong Teves” ang nasa likod ng pag-atake sa gobernador.
“Now you can see that Miranda, true to form, as we said was the director of everything, the director of the massacre, was again directing the activities around how they were going to make everybody recant,” sinabi ni Remulla sa panayam.
“So andoon na naman ang papel ni Miranda through his billing as a co-principal, co-mastermind together with Congressman (Arnie) Teves,” dagdag niya.
Ayon kay Remulla, nagsisimula nang madiskubre ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang katotohanan nang mahuli umano si Miranda na lumipad mula sa Negros Oriental noong Marso 31, ilang araw matapos na maaresto ang tatlong suspek sa Degamo slay kasabay ng hot pursuit operation at matapos na sumuko ang pito iba pa.
Anang Justice Secretary, nagsimula ang diskusyon ng iba pang akusado matapos na makipag-usap si Miranda kay Atty. Reynante Orceo, legal counsel nito na dati ring Justice Undersecretary.
“And what we’re saying here is that everything is consistent, and the timing of Mr. Miranda getting captured on March 31 started the process of lawyering up for them,” sinabi ni Remulla.
Iginiit niya na maaaring hindi alam ni Miranda nung una na si Orceo ang kanyang abogado.
Itinanggi naman ni Orceo na sangkot sa Miranda sa pagbaligtad ng iba pang akusado.
“Wala. Wala talaga. Wala siyang kinalaman doon. ‘Yung ibang accused may mga kanya-kanyang abugado yun,” pagbabahagi ni Orceo.
“In the first place, hindi namin napagusapan kung anong nangyari sa ibang accused,” dagdag niya.
Samantala, sinabi ni Remulla na ang pagbawi ng testimonya ng mga suspect-witness ay hindi pwedeng balewalain dahil isa itong uri ng perjury.
“There’s perjury one way or another. Either they perjured themselves the first time or they’re perjuring their selves now. But definitely, there is perjury in what they’re doing,” aniya.
“So a crime has been committed, again, by these suspects but we do not know which is the rule crime. We’re not claiming anything but what we think is that these stories are being made by spinmasters or spin-doctors that they have employed,” dagdag pa ni Remulla.
Sinabi rin nito na, “There was lot of money going around from the side of Mr. Teves.”
Nauna nang sinabi ni Justice Spokesperson Mico Clavano na posibleng sangkot ang kampo ni Teves sa pagbawi ng testimonya ng mga suspek, na agad namang pinabulaanan ng mambabatas. RNT/JGC