Home NATIONWIDE Mataas na opisyal dapat managot sa drug war – De Lima

Mataas na opisyal dapat managot sa drug war – De Lima

264
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila de Lima na ang mga mataas na opisyal ng nakaraang administrasyon ay dapat managot sa mga pagpatay sa labas ng normal na anti-drug operations, kasunod ng pagpapatibay ng Supreme Court sa hatol laban sa tatlong pulis na pumatay kay 17-anyos na Kian delos Santos noong Agosto 2017 sa Caloocan City.

“Malinaw ang hatol ng korte sa tatlong pulis na sangkot sa brutal na pagpatay kay Kian delos Santos. Ngunit lampas sa mga low-level perpetrators, patuloy nating hinahangad ang pananagutan mula sa mga may mataas o pinakamataas na responsibilidad sa karahasan sa ilalim ng war on drugs, pati na rin ang mga enabler nito,” ani De Lima.

Binanggit niya na kahit lumipas na ang ilang taon, mananatili ang sakit at pangungulila ng mga pamilya ng biktima hanggang ang tunay na may sala sa libu-libong pagkamatay sa bansa ay mapanagot.

Ayon kay De Lima, maaaring maabot ang pananagutang ito kung maipapasa ang mga panukalang lumikha ng Truth Commission sa Extrajudicial Killings (EJKs) at Anti-EJK Act. “Ito ay para sa katarungan at pambansang paghilom, at upang masiguro na hindi na mauulit ang ganitong karumal-dumal na krimen. Justice for all the victims!” dagdag niya.

Samantala, sinabi ni Manila Second District Rep. Rolando Valeriano, chairman ng House committee on public order and safety, na ang pagpapatibay ng hatol ng SC ay dapat magbunsod ng komprehensibong reporma sa Philippine National Police (PNP).

“The Supreme Court decision will not bring back Kian Loyd Delos Santos to his family, but it will give them some measure of solace this Christmas that justice has finally been given,” ani Valeriano. Idinagdag niya, “This reform must start today,” upang masiguro ang humane policing mindset sa buong PNP, mula precinct hanggang national headquarters.

Noong Nobyembre 2018, napatunayang guilty of murder ang tatlong pulis ng Caloocan City RTC Branch 125: PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pereda, at PO1 Jerwin Cruz, sa ilalim ng Article 248 ng Revised Penal Code.

Si Kian, isang Grade 11 student, ay unang itinuring na bahagi ng ilegal na droga, ngunit lumabas na siya ay bagong suspect lamang at hindi ang orihinal na target. Inangkin ng pulisya na tumanggi siya sa aresto at nanlaban, ngunit ipinakita ng CCTV footage na dinaganan ng pulis si Kian bago siya binaril.

Tinanggihan ng Supreme Court Second Division ang apela ng mga pulis, na sinabing may treachery sa pagpatay, at iginiit na si Kian ay walang kakayahang ipagtanggol ang sarili nang barilin.

“Considering all these circumstances, treachery was present,” wika pa ng korte, na nagpapatunay na sinadyang inilagay ng mga akusado si Kian sa posisyon upang mapatay siya nang walang kalaban-laban. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here