LEGAZPI CITY – Narekober ng mga tropa ng gobyerno ang isang cache ng armas ng New People’s Army (NPA) na naglalaman ng 26 M14 rifles, bala, at mga magazine sa malayong bahagi ng Barangay Exciban, Labo, Camarines Norte, ayon sa ulat ng 9th Infantry Division (9ID).
Ayon kay Maj. Frank Roldan, ang pagsamsam ay bunga ng impormasyon mula sa mga lokal na residente na kinumpirma ng isang dating rebelde.
Idinagdag niya na itinatago ng NPA ang kanilang mga armas dahil kakaunti na lamang ang natitirang miyembro, matapos ang ilang pagsuko at pagkakaaresto.
Tiniyak naman ni Maj. Gen. Aldwine Almase ang patuloy na kampanya ng 9ID laban sa terorismo at hinikayat ang mga naapektuhan ng mga rebelde na lumapit at yakapin ang kapayapaan. RNT