Home NATIONWIDE Matibag: Mga sarbey, walang bilang sa imbestigasyon kay VP Sara

Matibag: Mga sarbey, walang bilang sa imbestigasyon kay VP Sara

1
0

MANILA, Philippines – Hindi makaaapekto ang mga survey ng opinyon ng publiko sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng National Bureau of Investigation sa umano’y pagbabanta ni Vice President Sara Duterte laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ayon kay NBI Director Melvin Matibag.

Sa kanyang testimonya sa Senate impeachment court nitong Martes, sinabi ni Matibag na pansamantalang larawan lamang ng opinyon ng publiko ang isang survey at hindi ito batayan ng magiging resulta ng imbestigasyon.

“Alam niyo po, Sir, and all of us know, or for the information of the public, a survey is just a snapshot of something. It doesn’t necessarily follow na ’yung survey na ’yan is, kumbaga, nakataga na sa bato,” ani Matibag.

“Pangalawa po, may mandato po ang NBI. We cannot be swayed by public opinion o kaya po ng aming personal na opinion. Kami po ay nag-iimbestiga na nababatay sa batas, nababatay sa proseso, at nababatay po sa ating itinakdang mandato base po sa pagtatatag ng NBI,” dagdag niya.

Sa cross-examination, ipinakita ni defense counsel lawyer Mark Vinluan ang isang Daily Tribune graphic tungkol sa pinakahuling Social Weather Stations survey, kung saan nakakuha si Duterte ng 57-percent public trust rating habang 34 percent naman si Marcos.

Tinanong ni Vinluan kung may epekto ang resulta ng survey sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng NBI.

Tumutol si lead prosecutor Batangas Rep. Gerville “Jinky Birtrics” Luistro at iginiit na walang kaugnayan ang survey sa impeachment trial. Gayunman, ibinasura ni Senate impeachment court presiding officer Senator Francis “Chiz” Escudero ang pagtutol at pinayagang sumagot si Matibag.

“No, it will not,” tugon ni Matibag.

Nauna nang inilarawan ni Matibag ang imbestigasyon bilang “open, continuing and active investigation” na isinasagawa ng isang Special Task Force matapos matukoy ng NBI na naging usapin ng national security ang umano’y mga pagbabanta.

Si Matibag ang huling testigo ng House prosecution para sa ikaapat na article of impeachment, na nag-aakusa kay Duterte ng betrayal of public trust at iba pang impeachable offenses kaugnay ng kanyang pahayag noong Nobyembre 23, 2024 na inutusan umano niya ang isang tao na patayin sina Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at former Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sakaling siya ay mapatay. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here