Home OPINION MAY BAGYO NA NAMAN; MAGTULUNGAN LAHAT

MAY BAGYO NA NAMAN; MAGTULUNGAN LAHAT

156
0

HABANG tinitipa ito, mga Bro, may 97 nang kumpirmadong nasawi na biktima ng bagyong Kristine.

Sa isang ulat ng internasyunal na balita, umabot ng 120-130 ang patay.

Kung paano nila kinwenta ito, hindi pa malinaw.

Pero kung tutuusin, mula lamang sa Kabikulan na may 36 nasawi, at sa Talisay, Batangas na may 54 nasawi rin, at iba pa ang 21 missing sa Batangas at mas maraming missing sa iba pang lugar, maaaring aabot nga sa 120-130 ang patay.

Karamihan sa mga namatay sa Kabikulan ang nalunod habang karamihan sa Batangas ang natabunan sa landslide.

Ang iba, nasa Cordillera Autonomous Region, Cavite at iba pa.

Ganyang kabangis si Kristine at sa totoo lang, hindi pa tapos ang pagbibilang ng National Disaster Risk Reduction Management Council.

SIRANG ARI-ARIAN P5B NA

Umabot na umano sa P5 bilyon ang halaga ng nasirang imprastraktura, pribadong mga istraktura at sa agrikultura.

Tiyak na mas malala pa rito ang darating na mga ulat kapag narating na ng mga awtoridad ang lahat ng lugar na nasalanta.

Sa ngayon, mga Bro, marami pang kalsada at tulay ang hindi madaanan kaya limitado ang kaalaman ng mga awtoridad sa kabuuang pinsala ng mga pag-aari ng gobyerno at mamamayan.

Pero imadyinin na lang kung gaano katindi ang bahang nagpalubog sa mga bungalow sa maraming parte sa Kabikulan.

At rumaragasa pa ang maputik na baha mula sa matataas na lugar papunta sa mabababang lugar!

BAGYONG LEON

Pumasok na sa Philippine Area of Responsibility ang bagong bagyo na si Leon.

Maaaring hindi tatama sa lupa ng ating bansa ang bagyong nasa silangan ng Central Luzon at patungo sa norte na medyo malayo sa ating kalupaan.

Pero wala pang nakatitiyak talaga rito.

Anong malay nga natin na magbago ang direksyon nito at lalapit at patungo sa parteng norte ng Luzon?

Ito ngang si Kristine, nagtangkang bumalik sa signal nitong number 3 pero, sa awa ng Diyos, tumuloy na ito sa Vietnam.

Pero ano’t anoman, maghanda pa rin tayo dahil sa dala ni Leon na ulan.

Alalahanin, buong bansa ang apektado ni Leon at katulad nito si Kristine na hanggang Mindanao rin ang epekto nito.

TULONG-TULONG

Nakita natin, mga Bro, ang isang agaran na pagtulong sa isa’t isa, lalo na sa mga nasalanta ng bagyo.

Alam nating hindi sapat ang mga tulong na ipinaaabot sa mga biktima, lalo na ang mga naulila at nasiraan ng kanilang mga pinagpawisan at ipinundar na sa isang iglap, naglaho lahat.

Subalit, kahit papaano, makararamdam kahit kaunting ginhawa ang mga naabutan ng tulong mula sa mga taos-pusong nagbigay ng mayroon sila.

Yan ang sa parte ng mga mamamayan.

Sa parte ng pamahalaan, obligadong kumilos ang lahat ng sangay ng pamahalaan.

Kailangan ang mga taong pamahalaan na kumilos, dala ang mga pondong bayan, kalakal at kagamitan para sa kaligtasan at laban sa kagutuman at paghihirap ng milyong mamamayan na labis na naapektuhan ng bagyo, baha, landslide at iba pang naging mapaminsala.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here