Home OPINION MAY BATAS, MAY PROSESO

MAY BATAS, MAY PROSESO

292
0

TIYAK na mayroon naamoy na ‘malansa’ si Senador Rodante Marcoleta kaya tila pinagtutulungan ng ilang kapwa niya senador sa nakalipas na pagdinig ng Blue Ribbon Committee ng Senado.

Hindi sa kinakampihan natin itong si Marcoleta subalit simple lamang ang kanyang argumento na ang basehan ay batas mismo patungkol sa proseso ng aplikasyon sa Witness Protection Program o WPP sa Department of Justice.

Ika nga sa Mathematics ay ‘one plus one equals two’, hindi three o tatlo! Hindi dapat dagdagan ng kahit isa o kalahati dahil nakasaad naman sa batas kung ilan lang ang rekisitos para sa WPP application pero maraming politiko at kilalang personalidad ang tila tanga o nagtatanga-tangahan sa isyu na ito.

Tulad ng Republic Act No. 11032 o Ease of Doing Business Act na nagsasabi na huwag hanapin o hingin ang rekisitos na wala sa ‘checklist of requirements’ dahil kapag ginawa ng kahit sinong kawani ng gobyerno iyon ay multa na, kulong pa at tanggal pa sa serbisyo.

Ganoon ang pangil ng batas na dapat sundin patungkol sa kung ano-anong aplikasyon para sa serbisyo ng gobyerno kabilang na riyan ang WPP application na iginigiit nitong si Marcoleta nang makailang ulit pero ayaw lunukin ng ilang kapwa senador.

Sabihin na natin na ito ang gusto ng taumbayan ika nga nila na madalas ikalso ang salitang ‘taumbayan’ upang mabigyan lamang ng baluktot na katwiran para maisulong ang kanya-kanyang interes ay hindi naman ubra na balewalain natin ang umiiral na batas at proseso.

Ipinunto na kamakailan ng Korte Suprema na mayroon wastong paraan o proseso at mayroon wastong panahon. Bawal ang tinatawag na ‘shortcut’ dahil malinaw iyon na paglabag sa umiiral na batas ng ating lipunan.

Masdan mabuti, taumbayan! Binitbit yung Engineer sa DOJ ng umaga pero nang bumalik ito sa Senado bandang hapon ay inihayag na ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa ilang politiko na binanggit sa sinumpaang-salaysay. Ang tulin… ‘shortcut’, di ba?

Pero patas naman ang galaw ng DOJ dahil binutata agad yung isinusulong ng Marcoleta na WPP protection kahit hindi pa man naghahain ng aplikasyon yung mga tao dahil sa dagdag na rekisitos na nais muna mangyari. Mas matulin…’shortcut’ din?

Kahit gusto ng taumbayan [kuno] ay dapat ayon sa proseso na nakabatay sa batas ang sundin maliban na lang kung mayroon ‘malansa’ sa likod ng mga kamera na lingid sa kaalaman ng tunay na taumbayan. Bantayan natin mabuti ang galawan nila, taumbayan!

Para sa komento o suhestiyon: [email protected]

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here