MANILA, Philippines- Tiniyak ng Department of Finance (DOF) sa publiko ang ganap na kahandaan ng national government sa pananalapi para suportahan ang ‘relief and rehabilitation efforts’ sa mga lugar na winasak ng bagyong Kristine.
Sa katunayan, ayon kay Finance Secretary Ralph G. Recto, may sapat na pondo ang gobyerno para gamitin sa agarang disaster response at palakasin ang kahandaan ng local government units (LGUs).
“Rest assured, we have adequate funds in the National Treasury to quickly deliver more critical services and fund post-disaster emergency response, recovery, and reconstruction efforts,” ang sinabi ni Recto.
Aniya pa, committed ang gobyerno na tulungan na makabangon ang mga komunidad at ayusin ang kanilang katatagan para sa hinaharap na kalamidad.
Sa ilalim ng 2024 national budget, naglaan ang pamahalaan ng pondo sa pamamagitan ng National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF) at Quick Response Fund (QRF) lalo na para sa disaster relief operations.
Ang mga pondong ito ayon sa kalihim ay direktang ipantutulong sa ‘reconstruction at rehabilitation’ ng mga mahahalagang imprastraktura gaya ng lansangan, tulay at gusali.
Prayoridad rin ng ‘relief efforts’ ang agarang pangangailangan na magbigay ng food packs sa mga apektadong pamilya para sa paunang lunas o tulong, pansamantalang matutuluyan at iba pang mahalagang suplay.
Tinuran pa ni Recto na mayroon itong available na karagdagang financial resources kabilang na ang unprogrammed funds, isang $500 million standby credit line, at Rapid Response Option facility mula sa World Bank, at post-disaster standby na popondohan mula sa Japan.
Samantala, handa na ang Bureau of the Treasury sa paghahain ng claims sa ilalim ng National Indemnity Insurance Program (NIIP) para tumulong sa pagkukumpuni ng mga public schools na napinsala ng bagyo.
“Additionally, the DOF aims to enhance LGUs’ disaster response capabilities through the People’s Survival Fund (PSF) and promote micro-insurance for vulnerable populations,” ang sinabi ni Recto.
At upang pagaanin ang financial burden ng taxpayers na apektado ng bagyo, pinalawig naman ng Bureau of Internal Revenue ang deadline para sa pagbabayad at reportorial requirements hanggang Oct. 31, 2024, para sa piling Regional District Offices.
Sinusuri ng Bureau of Customs ang inventory nito sa mga ‘forfeited goods’ para sa potensyal na donation sa mga biktima.
Idagdag pa rito na nag-aalok ang Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) ng calamity at emergency loans sa mga naapektuhan.
Minamadali na rin ng Land Bank of the Philippines ang quick access sa salary loans para sa mga empleyado at pagbibigay ng financial support sa mga kooperatiba at micro, small, and medium enterprises para sa disaster recovery. Kris Jose