Home METRO Mayor Sotto binira ng Tayo Pasig Movement

Mayor Sotto binira ng Tayo Pasig Movement

Pasig City, Philippines- Inihayag ng isang sectoral organization sa lungsod na ito na magtatapos na ang dalawang termino ni Mayor Vico Sotto sa non-stop na pagbatikos sa sinasabi n’yang mga korap at tiwaling namumuno noon sa lungsod subalit wala pa itong naipakukulong, o pormal na nasampahan ng kaso sa Ombudsman o sa alinmang sangay ng hukuman.

Ginawa ng bagong tatag na ‘Tayo Pasigueño Movement’ ang pahayag bilang pagsusog at suportang reaksyon sa panawagan sa social media ng mga residente na kailangang “ipakita ng punong-lungsod ang mga sinasabi niyang pagbabago hindi sa salita kundi sa gawa.”

Sa Facebook page na Taga Pasig Kami ay hinikayat si Sotto na basahin ang ‘open letter’ na madamdaming nagpapaalaala sa alkalde na kailangan na nitong mag-move on, at ihinto na ang mga paninira sa nagdaang administrasyon.

Sa open letter sa Facebook ni Jenifer de Leon kay Sotto, nakasaad na “Bukambibig n’yo lagi na corrupt ang mga nagdaang administrasyon, pero ni isa ay wala kang kinasuhan at napakulong, nang ihalal kang councilor ng Pasig ay hindi naming narinig ang boses mo para ipagtanggol kami sa mga sinasabi mong Corrupt. Tikom ang bibig mo. Noong 2019 ay saka ka lang nag-ingay nang tatakbo kang mayor at siniraan mo lahat na nagdaang mayor, wala kang pinuri ni isa na akala mo ay ikaw lang ang magaling at ang aming pag-asa.”

“Pangatlong term na itong hinahangad mo, pero hindi ka maka-move on sa Past, lahat ng interview mo ngayon sa media ay ‘yan ang ginagawa mong issue. Ngayon na ikaw ang kinasuhan dahil sa mga mali mong desisyon at nagawa ay pilit mo pa ring itinatanim sa aming isip na kagagawan ng kalaban mo sa pulitika, at pilit mong itinatanim sa amin na kinakawawa ka. Bawal na ba kaming magreklamo dahil ang sabi mo ay matuwid ka?” tanong ni De Leon.

Kabilang sa mga kasong binanggit sa open letter ni De Leon, na binatikos din ng netizens, ang mga naisampa nang asunto sa Ombudsman laban kay Sotto hinggil sa umano’y maanomalyang pagbigay ng 100%  na discount sa bayaring multa sa isang telco at umano’y P17.2M iskandalo sa pamimigay ng 452nd Anniversary t-shirts sa halip na P1,500 cash allowance bawat isa sa mahigit 11,000 na kawani ng LGU.

Maging ang kontrobersyal na P9.6 bilyong City Hall complex ay ipinaalaala rin sa open letter na keysa magarbong proyekto na pinondohan mula sa buwis ng Pasigueños ay dapat ang mga higit na pangangailangan ng nakararaming residente, lalo na ng maralitang sektor, ang naunang inasikaso ng LGU ‘tulad ng ospital at health centers na kompleto sa gamot at medical instruments.

Sang-ayon naman at sumusuporta ang ‘Tayo Pasigueño’ sa ipinahayag na hinaing ng nitezens.

Kaugnay nito, sinabi naman ni TPM spokesman at dating konsehal Mario “Junjun” Concepcion, Jr. na “Mas makabubuti para sa lungsod na harapin na lang ni Sotto ang mga kasong pormal na naisampa laban sa kanya at itigil na ang pagtuturo sa mga sinasabi n’yang korap na mga namumuno noon, sa halip na gamitin n’ya itong kublihan ng kanyang mga pagkukulang sa tamang serbisyo sa mga Pasigueño.” RNT