MINDANAO – Nagdulot ng pagbaha, pagguho ng lupa at pagbabara ng mga kalsada sa ilang bahagi ng Mindanao ang malalakas na pag-ulang dala ng southwest monsoon o Habagat, na nakaapekto sa mahigit 400 pamilya at sumira sa mga lupang sakahan.
Sa Antipas, Cotabato, tinatayang umabot sa P2.3 milyon ang pinsala sa agrikultura dahil sa baha at landslide. Nagbigay naman ng tulong ang lokal na pamahalaan sa mahigit 400 apektadong pamilya.
Sa Barangay Cannery Site sa Polomolok, South Cotabato, natumba ang ilang nakaparadang motorsiklo dahil sa malakas na agos ng baha noong Miyerkules, Hulyo 22. Nagtulungan ang mga residente upang buhatin at ilipat ang mga motorsiklo bago pa matangay ng tubig. Walang naiulat na nasugatan.
Sa Barangay Mandug, Davao City, tumirik ang ilang motorsiklo at isang pedicab habang tinatawid ang binahang kalsada. Nakadaan muli ang mga motorista matapos humupa ang tubig.
Na-stranded din ang ilang motorista sa M’lang, Cotabato, matapos harangan ng mga natumbang puno at sanga ang ilang kalsada sa kasagsagan ng malakas na ulan. Agad nagsagawa ng clearing operations ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at nabuksan ang mga kalsada pagsapit ng hapon. Wala ring naiulat na nasugatan.
Hinarangan din ng baha ang isang kalsada sa Barangay Ladol, Alabel, Sarangani, noong Huwebes, Hulyo 23.
Ayon sa state weather bureau PAGASA, ang masamang panahon sa Mindanao ay dulot ng southwest monsoon o Habagat. Mary Anne Sapico