MANILA, Philippines – Pinatunayan ng isang opisyal ng National Bureau Investigation (NBI) na makatotohanan ang banta ni Vice President Sara Duterte kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mula sa testimonya ng ilang inimbitahang media sa isinagawang imbestigasyon.
Sa tanong ni Senate President Sherwin Gatchalian sa ika-limang araw ng impeachment trial ni Duterte, sinabi ni NBI Regional Director Atty. Jeremy Lotoc na bilang panimula ng kanilang imbestigasyon, ipinatawag nila ang ilang media personalities sa naganap na online press conference.
“Ipinatawag nyo rin itong mga, may mga pinatawag kayong media personalities. Tinanong nyo ba sa kanila kung meron sa kanilang naniwala na itong mga sinabi ni Vice President ay inciting to sedition? At naniwala ba sila na yung mga sinabi ni Vice President during the two-hour video ay pinag-aalsa yung mga nandoon o naniniwala sila na yun ang tema ng kanyang sinabi,” ayon kay Gatchalian.
Ayon kay Lotoc, mayroon silang inimbitahan na ilang media personalities upang magpatunay sa pananalita ni Duterte hinggil sa bantang pagpatay kay Marcos.
Aniya, binanggit ng ilang media personalities na kanilang nakausap kung ano ang kanilang naramdaman o opinion sa pananalita ni Duterte kaya mayroon nag-komento na pawang makatotohanan ang galit ng bise presidente.
“Not specifically na inciting to sedition, ang mga comment nila, is na-shock sila. May comment sila doon na nasa real battle mode na siya (Duterte). May comment siya doon na totoo na to, seryoso na yung galit niya. Yun ho,” ayon kay Lotoc.
“Galit naman talaga siya pero inciting to sedition yung mag-alsa,” ayon kay Gatchalian.
“Wala pong ganun comment during the Q&A portion, Your Honor,” tugon ni Lotoc.
Kaugnay nito, tinanong pa ni Gatchalian ang opisyal ng NBI kung may koordinasyon ang ahensiya sa iba pang intelligence agencies tulad ng National Security Counci (NSC), o Philippine National Police (PNP) Intelligence Service hinggil sa naturang banta.
“And just to, on a related question, Mr. Presiding Officer, inciting to sedition is serious rin. At kailangan din ito ng attention ng mga intelligence agencies natin. Meron ba kayong coordination with our iba’t ibang intelligence agencies tulad ng National Security Council, ng PNP, ng NBI, not NBI, but ng ibang mga security intelligence agencies natin. Nag-coordinate ba ang NBI sa kanila? Kayo mismo nag-coordinate ba?,” tanong ni Gatchalian.
Ngunit, sinabi ni Lotoc na hindi direktang nakapag-usap ang Anti-Cybvercrime Division ng NBI sa ilang intelligence agencies tulad ng binanggit ni Gatchalian kundi ang sariling intelligence service ng NBI.
“Ang nag-uusap po dyan, Your Honor, kasi intelligence matter yan. Ang nag-uusap po yan between intelligence service ng NBI, intelligence units ng AFP, intelligence department ng PNP. So nasa level po nila yun, Sir,” paliwanag ni Lotoc.
Giit pa ni Gatchalian: “Katulad ng grave threats pagkokontrata, inciting sedition, seryoso rito eh.Gusto ko malaman kung mayroong effort ang ginawa ang NBI para makipag-coordinate sa AFP, sa PNP dahil ito pinag-uusapan natin pag-aalsa o hinihimok mo umalsa. Meron bang ganun ng mga coordination na ginawa ang inyong opisina o ang NBI?”
“Ang alam ko meron yan, pero nasa level na po yan, Sir, ng intelligence service namin, Your Honor,” tugon ni Lotoc. Ernie Reyes