Home TOP STORIES Medical cannabis magiging abot-kaya sa mga may karamdaman ‘pag naisalegal – eksperto

Medical cannabis magiging abot-kaya sa mga may karamdaman ‘pag naisalegal – eksperto

IBINAHAGI ng isang kilalang siyentipiko at imbentor na sinisimulan nang pag-usapan sa Mataas na Kapulungan ang pagsusulong na maging legal ang “cannabis medicine”.

Ayon kay Dr. Richard Nixon Gomez, kilalang scientist, inventor, at Chief Executive Officer (CEO) ng Bauertek Pharmaceutical Technologies, isang kompanya na may kakayanang gumawa ng Pharmaceutical Grade Medical Cannabis, sa oras na maging legal ang cannabis medicine sa bansa ay magiging abot-kaya ang presyo nito sa mga kababayang may karamdaman.

Aniya, bukod sa murang gamot ay makakapagbigay umano ito ng maraming trabaho kung saan malaking buwis ang maiaambag nito sa gobyerno.

Nilinaw naman ni Dr. Gomez na hindi kasama ang recreational cannabis sa isinusulong na panukalang batas dahil tanging ang cannabis medicine lamang ang kanilang isinusulong.

Ang isang iminungkahing panukala na magpapahintulot sa mga kwalipikadong pasyente na makatanggap ng mga therapeutic at palliative na benepisyo mula sa medikal na cannabis ay nasa plenaryo na ngayon matapos mag-sponsor ni Sen. Robinhood Padilla ng Senate Bill no. 2572 o ang panukalang Cannabis Medicalization Act of the Philippines.

Sa ilalim ng panukala, magtatatag ng Philippine Medical Cannabis Authority sa ilalim ng Department of Health (DOH) kung saan ito ang magiging responsable para sa paggawa ng Comprehensive Cannabis Medicalization Plan, pagtatatag ng mga regulasyon para sa medikal na paggamit ng cannabis, pagpapatupad ng monitoring at regulatory system para sa medikal na cannabis, at pag-isyu ng mga lisensya para sa mga rehistradong entity sa loob ng medikal na industriya ng cannabis.

“Ang mga batas na ipinatupad nito ay batay sa pag-aaral, pagsasaliksik, patotoo ng mga doktor at eksperto mula sa iba’t ibang aspeto ng paghahambing sa panunumpa ng kaalaman at pinakamahusay na kasanayan sa pagpapatupad nito,” ani Sen. Padilla sa kanyang sponsorship speech nitong Miyerkules, Marso 20, 2024.

Lubos naman nagpasalamat ang iba’t-ibang sektor kay Senator Padilla at Sen. Bato Dela Rosa, matapos mapag-usapan sa plenaryo ang kahalagahan ng cannabis medicine sa bansa lalo na sa may mga sakit o karamdaman na ang tanging lunas para gumaling ay ang cannabis medicine. RNT

Previous articleDFA bukas sa mas marami pang usapan sa EU sa free trade agreement
Next articleMga netizen pinuri ng DENR sa pagpapaviral ng illegal na istruktura sa Bohol, Davao