Home NATIONWIDE Mema lang: Malakanyang, itinanggi na ‘zero funding’ distrito ni Cong. Erice

Mema lang: Malakanyang, itinanggi na ‘zero funding’ distrito ni Cong. Erice

1
0

MANILA, Philippines – Mariing itinanggi ng Malakanyang ang ipinag-iingay ni Caloocan 2nd District Rep. Edgar “Egay” Erice na plano ni Public Works Secretary Vince Dizon na maglaan ng ‘zero funding’ sa kanyang distrito sa ilalim ng 2027 national budget.

Sinabi ni Erice na di umano’y nagbanta si Dizon na hindi pagkakalooban ng pondo ang mga imprastrakturang proyekto ng kanyang distrito dahil itinuturing siyang kritiko ng administrasyon.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, kagyat na hiningan niya ng paglilinaw si Dizon sa bagay na ito.

“Ang una ko pong ginawa ay hindi tayo muna nagbigay ng anumang komento, tinawagan mismo natin si Secretary Vince Dizon at ipinaalam natin kung ano ang tinuran nitong si Congressman Erice sa isang panayam at iyan po ay pinasinungalingan mismo ni Secretary Vince Dizon dahil hindi po niya nakakausap si Congressman Erice patungkol sa kaniyang pagbibintang,” ayon kay Castro.

Itinanggi ni Dizon ang alegasyon ni Erice na pagbabanta umano ng “zero budget” para sa mga proyekto sa kanyang distrito dahil sa pulitika.

Binigyang diin ni Castro na hindi naman makakapanira ang mga sinasabi ni Congressman Erice sa pamahalaan lalung-lalo na kung ito naman ay puro fake news at walang basehan.

“So, walang magiging dahilan para siya ay katakutan at hindi natatakot ang gobyernong ito sa anumang pagbabatikos dahil kung anuman ang mga mensahe ng ating mga kababayan iyan naman po ay tinatanggap at inaalam ng Pangulo para malaman kung ano ang kulang, kung anong dapat gawin,” ang sinabi ni Castro.

Samantala, iginiit ng Malakanyang na walang basehan ang mga pahayag ng mambabatas at hindi ito makasisira sa pamahalaan.

Binigyang-diin din ni Castro na hindi natatakot ang administrasyon sa anumang puna o kritisismo basta ito ay nakabatay sa katotohanan. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here