IPINAG-UTOS ni Pangulong Bongbong Marcos na tapyasan ng kalahati ang presyo ng lahat ng materyales na gamit ng Department of Public Works and Highways.
Ginawa ni Pang. Bongbong ang kautusan makaraang lumabas na matindi ang mga overpricing sa materyales gaya ng semento, bakal, aspalto, bato, kasama ang rock net na nalaman niya mismo halos na triple ang presyo sa isang proyekto sa Kennon Road sa Benguet.
Kung iisipin nga, bulto-bulto ang pagbili sa nasabing mga materyales kaya dapat sanang mura ang mga ito, lalo’t isinasalang ang mga ito sa pasubasta.
Sa pasubasta, ang may pinakamababang presyo sa itinakdang kalidad ng materyales, kaugnay na serbisyo at panahon sa paggawa ang batayan ng kontrata ng suplay ng materyales.
Ngunit dahil may patong o kikbak ang mga kasapi ng bids and awards committee, kongresman o senador at kanang kamay nila, district, regional engineer at opisyal sa DPWH Central Office, ibang taga-gobyerno mula sa Palasyo hanggang sa mga local government unit, subcontractor, middlemen at iba pa, hayun, nadodoble ang presyo ng materyales.
Sa totoo lang, may mga sumbong sa pitak na ito na sa ilang isinasagawang bids and awards, dito pa lang, kalahati na ang overpricing at kung sinabing maganda ang presyo, everybody happy na lahat.
Dito meron na para sa mga mangingikbak na opisyal ng gobyerno at happy na rin maging ang mga kontraktor.
Tanong: Wala kayang magpapalusot dito hanggang sa mauwi pa rin sa substandard o multo ang mga proyekto?
Nagiging substandard ang proyekto kung gagamit ang DPWH ng undersize na bakal, 120 pirasong hollow block mula sa isang supot ng semento, ampaw ang palaman ng istruktura gaya ng dike, kulang sa sukat ang kapal ng kalsada at iba pa.






