ILOILO, Philippines – Kinumpirma ng Environmental Management Bureau (EMB) Region 6 na nakadiskubre sila ng methane gas sa isang deep well sa Dueñas, Iloilo.
Ayon sa EMB-6, nagsagawa sila ng paunang inspeksyon matapos mag-ulat ang mga residente ng Barangay Fundacion na may lumalabas na gas mula sa bagong hukay na balon, na puwedeng magliyab kapag nasindihan.
Ang naturang balon ay hinukay hanggang humigit-kumulang 150 feet at sana ay gagamitin para sa patubig sa agrikultura.
Sa unang pagsusuri gamit ang portable gas analyzer, nakitang may methane (CH₄) na nasa humigit-kumulang 10% by volume.
Ayon sa EMB-6, ang methane ay natural na gas na maaaring nagmumula sa nabubulok na organikong bagay sa ilalim ng lupa o mula sa mas malalim na geological formations.
Hindi ito ang unang pagkakataon na may naiulat na ganitong insidente sa Dueñas. Noong Marso 2024, may naitala ring paglabas ng gas sa Barangay Tinocuan, kung saan nagkaroon din ng apoy kapag nasindihan ang hukay.
Sinabi ng EMB na bagama’t may pagkakatulad ang mga insidente, kailangan pa ng mas malalim na pag-aaral para matukoy kung magkapareho ang pinagmulan ng gas.
Wala pa ring tiyak na komposisyon at pinagmumulan ng gas sa Barangay Fundacion, ayon sa ahensya, at nagpapatuloy pa ang imbestigasyon kasama ang iba’t ibang ahensya tulad ng Department of Energy, Mines and Geosciences Bureau, Bureau of Fire Protection, at lokal na pamahalaan ng Dueñas.
Bilang pag-iingat, pinayuhan ng EMB ang mga residente na huwag manigarilyo, magsindi ng apoy, o gumawa ng anumang maaaring magdulot ng spark sa lugar, at iwasan muna ang paglapit sa well habang sinusuri pa ito. RNT/MND