MANILA, Philippines – Maaaring maaresto at makulong na sa Pasko ang ilang akusado sa korapsyon sa flood control projects, ayon kay Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon.
Sinabi ni Dizon na ang unang indibidwal na maaaring maaresto ay ang mga nasangkot na tao sa reklamong inihain sa Office of the Ombudsman noong Setyembre.
Kabilang dito sina dating DPWH district engineer Henry Alcantara at dating Bulacan 1st district assistant engineers Brice Hernandez at Jaypee Mendoza, gayundin ang contractor na si Sarah Discaya ng St. Timothy Construction Corporation.
Ininspeksyon kamakailan ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla ang Quezon City Jail – Male Dormitory at Pasay City Jail.
Ayon sa kanya, nakahanda ang Quezon City Jail – Male Dormitory na ikulong ang mga indibidwal na sangkot sa flood control corruption na may Salary Grade 27 pataas.
Nakahanda rin ang Pasay City Jail na paglagyan ng mga sangkot na personalidad na may Salary Grade 26 pababa, dagdag ni Remulla. Jocelyn Tabangcura-Domenden