Home OPINION MGA ARAL SA SAGIAN NG FIRE TRUCK AT NAKAPARADANG SASAKYAN

MGA ARAL SA SAGIAN NG FIRE TRUCK AT NAKAPARADANG SASAKYAN

1
0

MAY mahalagang aral sa pagkakasagi kamakailan ng isang fire truck ng Makati Fire Station na minamaneho ng kawani ng Bureau of Fire Protection sa isang nakaparadang sasakyan sa Makati habang rumeresponde sa sunog. Hindi ito simpleng usapin kung sino ang “may kasalanan.” Ang mas mahalagang katanungan, dear readers, ay kung ano ang dapat itama at ano-ano ang mga pananagutan?

Una, malinaw sa Section 49 ng Republic Act No. 4136, o Land Transportation and Traffic Code, na ang police, fire department at ambulance na nagbibigay ng audible signal o sirena ay binibigyan ng right of way o sa madaling sabi ay prayoridad sa kalsada. Obligasyon ng ibang motorista na agad pumwesto sa kanang bahagi ng kalsada at huminto upang makadaan ang emergency vehicle na magliligtas ng buhay ng mga mamamayan.

Ngunit ang right of way ay hindi nangangahulugang absolute immunity. Ang driver ng fire truck ay may responsibilidad pa ring magmaneho nang may kinakailangang pag-iingat, lalo na kapag masikip ang kalsada, maraming nakaparada o double-parked na sasakyan, at limitado ang visibility.

O, heto muna ang isa pang paliwanag bago kayo magsipag-react. Kung mapatutunayang iligal o obstruction ang pagkakaparada, dapat managot ang may-ari o driver ng nasaging sasakyan. Kung may pagkukulang naman sa pagmamaneho ng fire truck, dapat ding magkaroon ng patas na imbestigasyon at kaukulang administrative o ligal na aksyon. Ipinaliwanag iyan ng Chief of the Public Information Service ng Bureau of Fire Protection na si F/Supt. Anthony Arroyo nang atin siyang makapanayam sa Radyo Pilipinas nitong nakalipas na araw ng Linggo.

Siguro panahon na para magkaroon ng regular route assessment ang BFP at mga lokal na pamahalaan upang matukoy ang mga kalsadang madaling ma-block ng illegal parking. Mas dapat ding paigtingin ang clearing operations, magtalaga ng fire-lane zones, at magsagawa ng defensive emergency-vehicle driving training.

Panahon na rin siguro na mag-install ng solar-powered smart parking system tulad ng ginagawa sa ibang bansa para sa dagdag na kaayusan sa street parking.

Sa emergency response, ang bawat segundo ay mahalaga at ang kaligtasan ay hindi dapat makompromiso. Huwag lang kalilimutan na sa kabila ng pribilehiyo, may responsibilidad at pananagutan ang emergency responder at pribadong motorista.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here