
HINDI na bago sa atin ang hindi magandang ginagawa ng China at ang walang kahihiyan nitong pagpuntirya sa isa sa pinakamalalapit, pinakamahihina, at pinakamahihirap na kalapit-bansa, ang Pilipinas.
Tinutukoy ko ang realidad na nabunyag sa pagkakaaresto sa limang Chinese na nahuling nag-eespiya sa assets ng Navy at Coast Guard sa Palawan noong nakaraang linggo.
Ang paraan kung paano nagawa ng limang taga-Mainland, na madalas ditong bumisita, na swabeng mapabilang sa lipunan ng Pilipinas nang hindi matutunton ay dapat ikabahala ng bawat Pilipino.
Metikuloso ang pag-eespiya, nagbabato ng detalyadong intelligence na kanilang nakalap gamit ang drones at CCTV cameras na estratehiko ang pagkapupwesto, pawang nakatutok sa West Philippine Sea.
Sa pag-aresto, nakumpirma ang matagal nang suspetsa ng marami: Masyado nang maraming nalalaman ang Beijing, sa napakabilis na panahon, tungkol sa maritime operations ng Pilipinas.
Ang malaking tanong — sinong sumusuporta sa kanila? Nag-aalangan pa ang gobyerno na tukuyin ang China, pero magpakatotoo na tayo: hindi naman magsasagawa ng masusing paniniktik sa militar ang sinomang kriminal dahil sa katuwaan lang.
Hindi lamang ito basta pagsuway sa seguridad; isa itong paglabag sa soberanya. Ang katotohanang malayang kumikilos ang mga espiyang ito sa bansa, nang walang nakakaalam, sa loob ng maraming taon, habang nagkukunwaring negosyante o nagkakawanggawa, ay dapat panagutan ng mga nasa likod nito – kung hindi sa kamay ng ating makapangyarihang kaalyado, sa kamay ng ating Panginoon.
Senadong showbiz
Na-encounter n’yo ba ang isang pilyong komentaryo: “Ang pulitika ay showbiz para sa mga pangit”? Wala itong malalim na hugot, dahil literal ang kahulugan nito. Hahaha!
Well, gaano man ito makapang-asar o malapit sa katotohanan, iba ang ipinahihiwatig ng latest survey ng Social Weather Stations sa mga kandidato para senador. Sa survey, mga artista at entertainers kasi ang bidang-bida.
Ang action star-turned-senator na si Ramon “Bong” Revilla, Jr. at ang TV gameshow host na si Willie Revillame — kapwa magnet ng masa — ay parehong dumausdos mula sa survey noong nakaraang taon at ngayon ay nasa dulo na ng Magic 12.
Ang isa pang action star, si Lito Lapid, nananatiling popular sa Senado. Umangat sa survey ang bihirang magparamdam sa mga sesyon, at ngayon ay nasa ikatlong pwesto na. Marahil mas nakakahikayat ang kanyang macho image kaysa aktuwal niyang pagganap sa tungkulin bilang mambabatas.
Andiyan din si Tito Sotto, na ang kredibilidad ay nabibitbit pa rin ng wholesome vibe ng Eat Bulaga; mula sa ikalimang pwesto ay pangalawa na siya sa huling survey.
Hindi ako sigurado kung maikokonsidera pa ang ate, si Imee Marcos – na may acting credits sa kanyang pangalan — bilang “showbiz personality.” Ngunit, bagamat malapit siya sa mundo ng sining, nanawa na marahil ang ilan sa kanyang madalas ay madramang mga eksena, na mistulang hindi naman convincing kung ikokonsidera ang kanyang pakikipagkaibigan sa mga Duterte at sa kanyang disgusto kay Speaker Martin Romualdez — isang sister act na nagpwesto sa kanya ngayon sa 12th-14th place.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).