Home NATIONWIDE Mga estudyante tumatawid sa Tarlac River gamit airbed habang sira tulay

Mga estudyante tumatawid sa Tarlac River gamit airbed habang sira tulay

1
0

TARLAC CITY – Gumagamit ng airbed ang ilang estudyante upang makatawid sa Tarlac River at mapabilis ang kanilang biyahe habang hindi pa ganap na nadaraanan ang nasirang Agana Bridge sa Tarlac City.

Sa ulat ng GMA Regional TV, makikita sa isang viral video ang mga estudyanteng naka-uniporme na sumasakay sa airbed na itinutulak at ginagabayan ng apat na lalaki patungo sa kabilang pampang. Hanggang tatlong pasahero lamang umano ang maaaring isakay rito.

Ayon sa estudyanteng si Nathalie Salcedo, mas mabilis ang naturang paraan kumpara sa paggamit ng libreng shuttle ng lokal na pamahalaan. Aminado siyang nakakatakot ang pagtawid ngunit pinili nila ito nang gabihin upang mas mabilis na makauwi.

Nasira ang bahagi ng Agana Bridge noong Agosto 29 dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan at malakas na agos ng Tarlac River.

Samantala, naghanda ang Department of Public Works and Highways ng pansamantalang Bailey bridge upang maibalik ang koneksyon sa lugar habang isinasagawa ang permanenteng pagkukumpuni.

Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, dadaan muna sa load testing ang pansamantalang tulay bago buksan sa mga pedestrian at light vehicles. May 10-ton weight limit ito kaya hindi papayagang dumaan ang mga bus at heavy trucks.

Naglaan ang national government ng P300 milyon para sa pagkukumpuni ng Agana at Aquino bridges sa Tarlac City. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here