MANILA, Philippines – NAGPAABOT ng pagbati si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa lahat ng Filipino sa loob at sa labas ng bansa sa pagdiriwang ng ika-126 na anibersaryo ng proklamasyon ng kalayaan ng Pilipinas.
Sa naging mensahe ng Pangulo, sinabi nito na isang karangalan ang mapabilang sa lahing Filipino na ang mga ninuno ay magiting at nakipaglaban upang maibalik ang kasarinlan at kapayapaan sa bansa.
At bilang tagapagmana ng kalayaan na tinatamasa aniya ng lahat ngayon, tungkulin ng bawat isa na pangalagaan ito at tiyakin na hindi na kailanman magpapatinag sa banta ng pananakot, pananakop at pang-aapi.
“Sa pagharap natin sa mga paghamon ng modernong panahon, nawa ay pagtitibayin natin hindi lamang ang ating katapangan, kung hindi na rin ang ating pagkakaisa at pagtutulungan,” ayon sa Pangulo.
“Mga kababayan, tayo ang mukha ng Bagong Pilipinas. Sa sarili nating pamamaraan, maaari tayong maging bayani ng ating makabagonng panahon. Gamitin natin ang ating dunong at sipag sa bawat gawain at ang pinakamahalaga, maging mapagkumbaba, mapagmahal sa bayan at marangal tayo sa lahat ng oras habang binabaybay ang daan tungo sa kinabukasang puno ng pag-asa at oportunidad tungo sa Bagong Pilipinas na matagal na nating pinapangarap,” litaniya ng Pangulo.
“Muli, isang makabuluhang Araw ng Kalayaan sa ating lahat. Mabuhay ang malayang sambayanang Pilipino. Mabuhay ang Republika ng Pilipinas,” ang pagbati ni Pangulong Marcos. Kris Jose