MANILA, Philippines – Nagbabala ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa mga Pilipinong nasa ibang bansa na mag-ingat sa mga grupong umano’y nag-uudyok sa kanila na masangkot sa armadong labanan sa Pilipinas.
Inilabas ang babala matapos mapatay ang Filipino-American activist na si Lyle Prijoles sa isang military operation sa Negros Occidental ngayong linggo.
Kinumpirma rin ng Anakbayan-USA ang pagkamatay ng isa pang Fil-Am activist na si Kai Sorem sa naturang operasyon na ikinasawi ng 19 katao, kabilang ang isang estudyante, community journalist, at dalawang peasant advocates.
Ayon sa Philippine Army at Armed Forces of the Philippines (AFP), ang 19 ay may kaugnayan sa New People’s Army (NPA), na umamin naman sa pagkamatay ng isang rebel leader at ilang mandirigma ngunit iginiit na sibilyan ang iba pang nasawi.
“We caution Filipino Communities abroad: not all that is presented as advocacy or solidarity is benign. There are actors operating within certain spaces who, under the language of cause and identity, are facilitating pathways that lead to direct exposure to armed confrontation,” ayon sa task force.
“This is not a matter of political disagreement. This is a matter of safety, protection, and responsibility,” dagdag pa nito.
Ayon sa NTF-ELCAC, ang pagkamatay ni Prijoles ay “warning” ng “emergence of a disturbing pattern” sa ilang Fil-Am activists na nasasangkot sa mapanganib na sitwasyon.
Samantala, sinabi ng Bayan-USA na si Prijoles ay nasa Negros upang makisalamuha sa mga komunidad at maunawaan ang kanilang kalagayan.
Ayon naman sa Anakbayan-USA, si Sorem ay bumalik sa Pilipinas upang matuto tungkol sa kultura at tumulong sa mga komunidad ng magsasaka.
Kinondena ng Bayan-USA ang umano’y “fascist violence” ng AFP at iginiit na ang insidente ay “clear violation” ng human rights at international humanitarian law.
“We must demand justice for Lyle, the people of Negros, and all people who have fallen victim to state violence,” pahayag ng grupo.
Nanawagan din sila ng “immediate and independent investigation” sa nangyaring operasyon noong Abril 19. RNT/MND