Home NATIONWIDE Mga guro na umatras sa tungkulin sa BSKE, iimbestigahan

Mga guro na umatras sa tungkulin sa BSKE, iimbestigahan

MANILA, Philippines – Sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia nitong Huwebes, Nobyembre 2 na kailangang imbestigahan ang mga gurong umatras sa kanilang tungkulin sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE).

Ang pahayag ni Garcia ay tugon sa inilabas na pahayag ng Teachers’ Dignity Coalition noong Miyerkules, na binanggit ang hindi sapat na seguridad bilang isa sa mga dahilan ng ilang mga guro, partikular sa mga lugar na tradisyonal na nasa ilalim ng kontrol ng Comelec, na umatras sa kanilang mga tungkulin.

“This must be investigated to prevent similar incidents to happen [from happening] as things like this may endanger future electoral exercises,” sabi ni Garcia sa mga mamamahayag sa Viber message.

Sinabi ni Garcia na iginagalang ng poll body ang desisyon ng mga umatras bago ang araw ng halalan dahil hindi mandatory ang tungkulin para sa mga guro.

Noong Oktubre 29, sinabi ng Comelec sa press briefing, isang araw bago ang BSKE, na 2,500 guro sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, 29 sa Abra, at 10 sa Bicol Region ang umatras sa kanilang tungkulin.

Una na ring nagpahayag ng suporta si Department of Interior and Local Government Chief Benjamin Abalos Jr., sa plano ng Comelec na habulin ang mga guro na umano’y “naantala” ang halalan sa pamamagitan ng hindi pagtupad sa kanilang poll duty nang walang valid na dahilan. Jocelyn Tabangcura-Domenden