MANILA, Philippines – INILATAG ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga paghahanda ng pamahalaan laban sa matinding El Niño, kabilang ang pagtiyak sa suplay ng gamot sa mga ospital, pagkain at tubig, tulong sa mga magsasaka, at pagpapatuloy ng klase sa kabila ng matinding init.
Sa panayam sa Singapore, sinabi ng Pangulo na unang tinututukan ang kahandaan ng mga ospital upang matiyak na may sapat na kuryente, gamot at kagamitang medikal.
“We met with everyone involved. Inuna ko ‘yung hospital. That, to make sure that hospitals stay open, they have their medical supplies, they have the appropriate supplies for what they anticipate will be the diseases that will come out of a very, very dry season,” ani Pangulong Marcos.
Tiniyak din ng Pangulo na sapat ang suplay ng bigas sa kasalukuyang panahon ng anihan, ngunit kailangang paghandaan ang susunod na panahon ng pagtatanim.
“So, our dams, even the households – I’ll get to that later, but part of the response is a public service response that we will explain to people what’s happening, “ diin ng Pangulo.
Ayon sa Pangulo, tuturuan ang publiko kung paano mag-ipon at maglinis ng tubig upang maiwasan ang mga sakit. Magsasagawa rin ng cloud seeding upang makatulong na magdulot ng ulan.
Samantala,sinabi rin ng Pangulo na tutulungan ang mga magsasaka at bibigyan sila ng pagsasanay sa pamamagitan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang magkaroon ng iba pang mapagkakakitaan.
Pinag-aaralan din ang mga alternatibong paraan ng pagtuturo upang makapagpatuloy sa pag-aaral ang mga bata kahit matindi ang init.
“So, we’re trying to make sure that the alternative modes of teaching are available. But, find ways, as much as possible, to do face-to-face because we talked about it for a long time, iba talaga ‘yung face-to-face kaysa sa remote, “ paliwanag ng Pangulo.
Inutusan din ng Pangulo ang Department of Science and Technology (DOST), Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Agriculture (DA), at Presidential Communications Office (PCO) na maghanda ng detalyadong plano laban sa mga epekto ng El Niño. KRIS JOSE