Home OPINION MGA HIGANTENG BANSA UGAT NANG PAGKASIRA NG KALIKASAN

MGA HIGANTENG BANSA UGAT NANG PAGKASIRA NG KALIKASAN

107
0

NAPAPANAHON ang isasagawang pagho-host ng ‘Pinas kaugnay sa Loss and Damage Board na binuo ng United Nations kung saan maglalaan ito ng pondo mula sa mga dambuhalang bansa o developed countries na itinuturing na utak ng malawakang carbon emission sanhi ng malalaking kompanya nito na ugat naman ng global warming at climate change.

Ang sobrang pag-iinit ng sandaigdigan ang iniuugnay sa mala-delubyong kalamidad tulad ng bagyo,lindol at mga pagbaha na madalas tumatama sa maliliit na bansa kagaya ng ‘Pinas na nagdudulot naman ng grabeng pagkawasak ng mga ari-arian at pagkamatay ng libo-libong katao.

Huwag na tayong lumayo,ilan nga bang malalakas na bagyo ang dumarating sa bansa at nag-iiwan ng malawakang pagkasira ng pamamahay at inilulubog na lugar?

Maliwanag pa sa sinag ng buwan na sa gitna ng limpak-limpak na salapi na kinikita ng malalaking kompanya ng mga higanteng bansa tulad ng US,China,UK at iba pang nagnenegosyo sa atin ay tayo naman ang sumasalo nang pagkawasak ng kalikasan sanhi nang iniluluwang usok ng mga factory nila sa bansa.

Sa totoo lang, kunswelo de bobo na lang sa developing countries katulad ng bansa natin ang pagbilog ng Loss and Damage Board dahil hindi naman kayang bayaran ng anomang salapi ang patuloy na nararanasang climate change, global warming at iba pang uri ng pagkasira ng kalikasan at sanlibutan.

Ibig sabihin, kahit paano ay makatutulong ang malilikom na pondo ng UN mula sa malalaking bansa sa unti-unting pagbangon ng maliliit na bansa mula sa hagupit ng anomang kalamidad na tumatama sa atin na kadalasan ay mahihirap ang sumasalo.

Sa madali’t sabi, hindi lang puro pangako’t salita ang marapat gawin ng developing countries hinggil sa pagbabawas nang paggamit ng fossil fuel na nagdudulot ng umaapaw na carbon emissions sa halip ay kailangan seryosohin ng mga ito at makiisa sa pagkambyo sa renewable energy na sadyang solusyon sa nagbabagang init ng panahon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here