UPANG bigyan-daan ang mga Malabuenos na muling mabisita ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay, muling binuksan ang Tugatog Cemetery noong Sabado.
Sa pangunguna ni Mayor Jeannie Sandoval, binasbasan ang nasabing sementeryo bilang paghahanda sa muling paghahatid serbisyo sa mga nangamatay ng mga kaanak ng mga naninirahan sa lungsod sa nalalapit na paggunita ng All Saints Day 2024 sa bansa.
Matatandaan na pansamantalang isinara ang sementeryo upang simulan ang redevelopment nito noong taong 2021 na kung titingnan ay tila ground zero ang anyo.
Isang banal na Misa ang sinimulan ng lokal na pamahalaan para sa mga kaluluwa ng mga namatay na indibidwal na kapwa nakahimlaay sa Tugatog Public Cemetery.
Bago ang inagurasyon, nagbigay muna ng libreng cremation ng mga buto ng mga labi na hinukay.
Napag-alaman na nitong nakaraang mga araw, binisita muna ng alkalde ang libingan upang pakinggan ang mga hinaing ng mga bawat pamilyang humiling ng libreng cremation para sa mga kaanak nilang sumakabilang-buhay na.
“Hindi po namin pababayaan ang inyong mga mahal sa buhay na yumao at inilibing dito sa Tugatog Public Cemetery bago pa man simulan ang pagsasaayos nito noong 2021. Itong libreng cremation na ating inilapit sa kanilang mga pamilya ay isa sa mga paunang serbisyong ating maibibigay para masiguro na nasa maayos na kalagayan ang mga labi at magkaroon ng kapayapaan sa kanilang mga puso. Wala ho kayong babayaran, makipag-ugnayan lang po sa ating pamahalaang lungsod. Alam natin na matagal nang naghihintay ang mga Malabueño na mabisita at makapagdasal para sa kanilang mga yumaong mga mahal sa buhay na nasa sementeryo na ito,” ayon pa sa alkalde.
At sa mga pamilyang nais pang mabiyayaan ng libreng cremation, namigay rin ng consent forms ang lungsod nang sa gayon ay maisakatuparan ang kanilang kahilingan na maka libre ng pagpapacremate sa kanilang mga kaanak na namayapa na dala na rin ng kakulangan ng sapat na salapi na panggastos rito.
Maaari rin mailipat ng mga pamilya ang mga labi ng kanilang mga kaanak sa ossuary ng sementeryo o kaya naman ay sa iba pang sementeryo o columbaria habang nagpapatuloy ang redevelopment ng sementeryo.
Sa libreng cremation package, kabilang din ang urn, bulaklak, kandila, pagdadala ng labi sa crematorium at iba pang mga bayarin sa sementeryo.
Nauna nang sinimulan ng lokal na pamahalaan ang pagtatayo ng dalawang palapag na gusali na may humigit-kumulang 600 apartment tombs/niches para magdagdag ng espasyo para sa libing ng mga namatay na Malabueño.
Tiniyak naman ni City Administrator Dr. Alex Rosete na magiging maayos ang kalagayan ng mga labi ng kanilang mga mahal sa buhay at tututukan nila ang redevelopment ng sementeryo sa lalong madaling panahon. (Merly Duero)