Home HOME BANNER STORY Mga laruang walang safety labels, ibinabala sa kalusugan ng mga bata

Mga laruang walang safety labels, ibinabala sa kalusugan ng mga bata

8
0

MANILA, Philippines – Hinimok ng environmental group na BAN Toxics ang Food and Drug Administration (FDA) at mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng agarang inspeksyon sa mga pamilihan matapos makakita ng mga laruang walang sapat na safety labels sa Metro Manila.

Sa isinagawang market monitoring bago ang holiday shopping season, natukoy ng grupo ang iba’t ibang laruan na kulang sa kinakailangang impormasyon sa produkto.

 

Kabilang dito ang mga laruang sasakyan, manika, robot, musical instruments, battery-operated toys, toy makeup sets at iba pang produktong pambata.

Ayon kay BAN Toxics Advocacy and Campaign Officer Thony Dizon, nagdudulot ng pag-aalinlangan sa kaligtasan ng mga laruan ang kawalan ng wastong labels at product information.

Babala ng grupo, posibleng maglaman ng mapanganib na kemikal ang mga produktong hindi dumaan sa wastong pagsusuri at regulasyon.

Batay sa naunang chemical screening ng BAN Toxics noong 2025, nasa 125 sa 200 laruang sinuri, o humigit-kumulang 63%, ang nakitaan ng lead na may antas mula 100 hanggang 6,000 parts per million (ppm).

Natukoy din sa mga sample ang iba pang kemikal tulad ng arsenic, cadmium, mercury at chromium.

Ayon sa World Health Organization (WHO), maaaring makaapekto sa brain development, pagkatuto at pag-uugali ng mga bata ang pagkakalantad sa lead.

Sa ilalim ng Republic Act No. 10620 o Toy and Game Safety Labeling Act, kailangang may wastong impormasyon ang mga laruan, kabilang ang FDA License to Operate number, angkop na edad ng gagamit, safety warnings at detalye ng manufacturer.

Ipinagbabawal din sa ilalim ng DENR Administrative Order No. 2013-24 ang paggamit ng lead sa paggawa ng mga laruan.

Nanawagan ang BAN Toxics sa FDA, Department of Trade and Industry (DTI) at mga lokal na pamahalaan na mahigpit na ipatupad ang mga regulasyon at alisin sa merkado ang mga produktong mapatutunayang lumalabag sa safety standards.

Pinayuhan din ang mga magulang na suriin ang labels at warnings bago bumili ng laruan at tiyaking angkop ang produkto sa edad ng bata.

Maaari ring beripikahin ang registration at notification status ng mga produkto sa FDA Verification Portal sa verification.fda.gov.ph.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here