MANILA, Philippines – Nagtipon-tipon ang law enforcement agencies at local government units sa Metro Manila at ilang bahagi ng Luzon kaugnay ng hakbang na puksain na ang mga illegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Pinangunahan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. nitong Sabado, Hulyo 20 sa pagpupulong sa Camp Crame kasama ang mga representative ng LGU mula Metro Manila at Southern Tagalog.
Bago rito ay nagkaroon din ng kaparehong pagpupulong si Abalos sa mga representative ng LGU mula Ilocos Region, Cagayan Valley, at Central Luzon na ginanap sa Pampanga.
Kabilang naman sa mga dumalo sa meeting sa Camp Crame sina Philippine National Police (PNP) chief Police General Rommel Francisco Marbil, Bureau of Fire Protection (BFP) Director Louie Puracan, Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman at Chief Executive Officer Alejandro Tengco, Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) undersecretary Gilbert Cruz, at representatives mula Department of Justice, at Department of Labor and Employment.
Layon ng pagpupulong na resolbahin ang mga problema at isyu na may kinalaman sa illegal POGOs.
Nakatakda ring pag-usapan ng DILG ang kapangyarihan ng mga LGU at law enforcement units na mag-inspeksyon, suspendihin at bawiin ang mga permit ng establisyimento na pinaghihinalaang sangkot sa illegal POGO operations.
Noong Hunyo, iniulat ng PAGCOR na ang bilang ng POGO licensees ay bumaba mula 298 sa nakaraang administrasyon, at ngayon ay 43 na lamang patunay ng hakbang ng Marcos administration na sugpuin ang mga illegal operator. RNT/JGC