MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) na hangga’t maaari ay iwasang lumusong sa baha, bilang pag-iingat sa sakit na leptospirosis.
Ginawa ng DOH ang panawagan ngayong nakakaranas na naman ng magkakasunod na pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa na nagdudulot ng mga pagbaha.
Ayon kay DOH Assistant Secretary at Spokesperson Albert Domingo, lubhang napakarumi ng tubig baha kaya napakadelikado at malaki ang posibilidad na magdulot o pagsimulan ito ng iba’t-ibang uri ng mga sakit.
Pinayuhan din ang mga magulang na huwag hayaan ang mga anak na maglaro sa baha at kung sakaling napalusong naman ay agad hugasan ng malinis na tubig at sabon ang parte ng katawan na nabasa ng baha.
Mas mainam din aniya na agad magpatingin sa health center o sa ospital na may lepto-fast lanes para masuri at mabigyang ng tamang reseta ng gamot tulad ng prophylaxis. Jocelyn Tabangcura-Domenden