MANILA, Philippines – Dumulog sa Korte Suprema ang mga magulang ng nawawalang aktibista na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño para hilingin na atasan ang Bureau of Corrections na ilantad kugn nasaan na ngayon si dating Army Major General Jovito Palparan.
Nahatulan ng habambuhay na pagkakulong si Palparan ng mababang hukuman dahil sa kidnapping and serious illegal detention ng dalawang aktibista noong June 26, 2006 sa Hagonoy, Bulacan.
Sa manifestation and motion nila, inalmahan ng mga ina ang impormasyong wala na raw si Palparan sa New Bilibid Prisons.
Nabalitaan nila na nasa kustodiya na ito ng Philippine Military Academy sa Baguio City, habang ang opisyal na report ng NBP ay “dinala sa ospital”.
Inalmahan din ang report ng pananatili umano ni Palparan sa pasilidad ng PMA at hindi sa kulungan ng BuCor o alinmang ospital.
Binatikos nila ang posibleng “special treatment” at hinihiling na ibalik si Palparan sa NBP Maximum Security Compound.
Kasama ng mga magulang ang grupong Karapatan na nananawagan din sa gobyerno na ilantad ang kinaroroonan ng mga desaparisido o “naglaho” nilang kasamahan. Jocelyn Tabangcura-Domenden