Home NATIONWIDE Mga Manilenyo pinagdodoble-ingat vs COVID

Mga Manilenyo pinagdodoble-ingat vs COVID

MANILA, Philippines – NANAWAGAN si Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan sa mga Manilenyo na magsagawa ng karagdagang pag-iingat laban sa bagong variant ng Covid-19 na tinatawag na “FLiRT” at sundin ang mga basic health protocols.

Ayon sa alkalde, umabot na sa 28 ang kabuuang bilang ng kaso ng Covid-19 sa lungsod makaraang makapagtala ang lungsod ng 10 kaso kamakailan.

Ibinahagi ng alkalde na marami sa kanyang mga kaibigan ang may mga matatandang mahal sa buhay na kasalukuyang naka-confine sa iba’t ibang ospital matapos mahawaan ng bagong variant.

Giit ni Mayora, hindi na magiging mahirap na ibalik muli ang mga nakagawian na pag-iingat sa kalusugan dahil nasanay na ang nakararami sa “new normal” na mga protocol tulad ng pagsusuot ng face mask kapag nasa mataong lugar, paghuhugas o pag-sanitize ng mga kamay at paglayo sa mga tao, lalo na sa mga nagpapakita ng mga sintomas tulad ng trangkaso.

Pinaalalahanan din ng alkalde ang publiko na ang mga bakunang iniksyon sa panahon ng pandemya ay hindi naiakma upang tugunan ang bagong variant ng Covid.

Idinagdag niya na ang bisa ng mga bakunang kinuha sa kasagsagan ng pandemya ay humina na sa paglipas ng panahon.

Bilang pag-iingat sa mga residente, binanggit din ng alkalde ang mga ulat ng balita na nakapagtala ang Singapore ng hindi bababa sa 25,000 bagong kaso sa loob lamang ng isang linggo.

“Wala pa pong bagong bakuna na ibinibigay laban dito kaya mag-ingat tayong lahat, especially for those who belong to the high-risk groups like the very young and seniors, the immuno-compromised, the PWDs, those who are pregnant and those already with symptoms,” ani Lacuna-Pangan.

“Mag-ingat po kayo at tandaan n’yo, wala na tayong available na vaccine against Covid at kahit me available, hindi ito ang tamang vaccine panlaban sa bagong variant,” dagdag pa ng alkalde. Jay Reyes