MANILA, Philippines – UMAPELA ngayon ang mga marino kina Sen. Chiz Escudero, Joel Villanueva at Sen. Imee Marcos na sila ay tulungan para tuloy na maipasa ang magna carta for seafarer na hindi dapat ilagay at hindi isingit ang escrow provision or fiduciary sa magna carta.
Magugunitang nakahanap ng kakampi ang mga Pinoy seafarer na tutol sa escrow provision sa panukalang magna carta of filipino seafarers.
Ito’y matapos manawagan si Bayan Muna partylist chairman, Atty. Neri Colmenares sa mga senador na ipasa ang magna carta bill na titiyak sa security of tenure at iba pang benepisyo ng mga Pinoy seafarer at walang probisyon ng escrow.
Ayon kay Colmenares, dapat hindi matulad ang Senado sa ginawa ng Kamara sa pagsingit ng escrow provision sa panukalang batas.
Giit ni Colmenares, anti-seaman ang escrow provision dahil dehado ang nadisgrasya o namatay na seafarer dahil kahit na manalo sila sa kaso laban sa kanilang employer, ang award para sa kompensasyon ay ilalagay muna sa isang escrow account or fiduciary account at hindi ibibigay sa kanila habang wala pang desisyon ang Korte Suprema sa apela ng kanilang employer.
Nauna rito sa kasalukuyang batas, kapag nanalo sa kaso ang isang seafarer sa National Labor Relations Commission (NLRC) at National Conciliation and Mediation Board (NCMB) final and executory agad ang compensation claims.
Pero kapag lumusot ang escrow provision, o ang fiduciary provision bibilang ng maraming taon bago makuha ang danyos na malaking tulong sana para sa kanilang pagpapagamot at pagsuporta sa pamilya dahil sila nga ay nawalan ng trabaho matapos na madisgrasya sa barko.
Kaugnay nito tila narinig naman ng senado ang panawagan ni Colmenares sa ginanap na interpellation sa Senado para sa panukalang batas, inihayag ni Senator Risa Hontiveros ang mariing pagtutol niya sa escrow provision dahil ito ay anti-labor, labag sa constitutional rights at kontra sa interes ng mga seaferer.
Samantala tinanong naman ni Sen. Koko Pimentel ang sponsor ng Senate bill 22-21 na si Sen. Raffy Tulfo kung mabibigyan ba niya ng garantiya na hindi maisisingit sa period of amendments ang escrow o fiduciary provision.
Sagot naman ni Sen. Tulfo, papanindigan niya hanggang dulo na hindi mailalagay ang escrow provision sa panukalang batas dahil giit niya ito ay lalong magpapahirap sa mga Pinoy seafarer. Santi Celario