MANILA, Philippines – Nagtiis muna sa init ang mga pasahero at ilang indibidwal sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 hatinggabi ng Miyerkules, Hulyo 17 sa shutdown para sa centralized cooling system ng Paliparan sa loob ng 12 oras.
Nauna nang sinabi ng Manila International Airport Authority (MIAA) na ang shutdown sa cooling system ay para magbigay-daan sa upgrade sa pagitan ng alas-9 ng gabi ng Martes at alas-9 ng umaga ng Miyerkules.
Pagaganahin lamang ang mga fan at blower ng air conditioning units sa nasabing mga oras.
Ayon sa MIAA, nasa 27,000 pasahero ng local at international flights ang apektado ng temporary shutdown ng cooling system ng Paliparan.
Ang mga apektadong lugar sa Terminak 3 ay ang check-in counters, immigration departure, final security checks para sa domestic at international flights, baggage carousels para sa international at domestic arrivals, at arrival lobby.
Naka-alerto rin ang medical team ng MIAA para sa mga pasaherong mangangailangan ng medical na atensyon dahil sa init. RNT/JGC