MADALING araw noong Miyerkules nang bawiin ni South Korean President Yoon Suk-yeol ang idineklara niyang martial law.
Nagtagal lamang ang martial law sa loob ng 6 oras.
Matapos nito, sinabi ng mga taga-Department of Foreign Affairs natin na walang banta sa anomang bagay sa mga Filipino na naroroon sa South Korea.
Kabilang sa mga batayan ng mga taga-DFA ang kakayahan ng mga Pinoy na mag-adjust sa anomang pangyayari sa mga bansang kinaroroonan nila.
Isa pa, binawi na ang martial law mismo ng kanilang Pangulo kaya wala nang kaguluhan.
IMPEACHMENT KAY YOON AT IBA PA
Solb na sana tayo, mga Bro, sa katwiran ng DFA dahil sila ang higit na nakaaalam sa mga nagaganap sa nasabing bansa.
Pero nakakaba pa rin sa parte ng mga manggagawa at naninirahan na Pinoy roon.
Una, hindi naman totoong ganap nang huminto ang kaguluhan.
Gusto ng mga ayaw sa gobyernong Yoon na mag-resign ang kanilang Pangulo.
Kung ayaw nito, i-impeach siya, kasama ang iba pang mga opisyal na kakampi niya, kasama ang kanyang defence minister na nagplano at nag-udyok sa kanya na magdeklara ng martial law.
Ikalawa, may humigit-kumulang 68,000 Pinoy sa South Korea at marami sa mga ito ang obrero.
Paano kung maapektuhan ang mga ito gaya ng pagsasara ng mga kompanyang pinapasukan nila o pagkawala ng kanilang mga employer?
At kapag napilitan silang umuwi, anong iaalok sa kanila ng pamahalaan na kalagayang tinatamasa nila sa pagbebenta ng lakas paggawa roon?
Walang nakaaalam, mga Bro, kung ano talaga ang darating na bukas doon.
Kung sisiklab ang kaguluhan dahil ayaw umalis sa pwesto sina Yoon, baka gagawing makatotohanan na ang martial law.
Kapag nangyari ito, posibleng totoong magkagulo at may mamamatay at masugatan.
Posible bang may madamay na mga Pinoy roon?
At paano rin ang mga negosyong nag-uugnay ng Pinas at South Korea?
Posible bang may maaapektuhan at malulugi o magsasarang kompanyang Pinoy dulot ng kaguluhan?
Alalahaning nagkalat din ang mga South Korean businessman sa Pinas na posible ring madamay sa kaguluhan at maapektuhan din ang kanilang mga Pinoy na empleyado.
PINAKAMAGANDANG MAGHANDA
Pinakamabuting maghanda ang gobyerno at minimum dito ang pagsalo sa mga obrerong maaaring mawalan ng trabaho roon at dito.
Paano ang mga pamilya ng mga posibleng masisibak sa trabaho?
Sa mga panahong ito na panahon ng krisis, dapat magtipid ang gobyerno at ang matitipid ang siyang ipansalo sa mga nakararanas ng krisis sa buhay, lalo na ang milyon-milyong sinalanta ng mga sunod-sunod na kalamidad na likha ng mga bagyo, baha, landslide at iba pa.
Kung hindi naman, sadyaing paglaanan ng pondo ng pamahalaan ang mga ito.
Hindi baleng malugi ang gobyerno sa ganitong mga pagkakataon.
Isa pa, itigil na ang nakawan sa gobyerno na siyang pangunahing pinag-aawayan ng ating mga opisyal at politiko ngayon upang may mailalaan sa mga kinakalamidad, kasama ang mga nasa South Korea.






