MANILA, Philippines- Lumabas sa bagong poll na mas maraming Pilipino ang naniniwala na hindi maayos ang pangangasiwa ng pamahalaan sa mga isyu sa transportasyon, base sa transport group na PISTON nitong Linggo.
Batay sa 2024 International Transport Workers’ Federation (ITF) Global Poll, inihayag ng PISTON na 55 porsyento ng Filipino respondents ang naniniwalang hindi maayos ang pamamalakad ng administrasyong Marcos sa transport issues ng bansa, mas mataas ng 10 porsyento mula noong 2022.
Makikita rin sa poll na kabilang ang Pilipinas sa tatlong nangungunang bansa na “most concerned” sa transport-related costs. Nangangamba naman ang 89 porsyento ng mga Pilipinong nakilahok sa survey sa pagtaas ng presyo ng langis, habang 85 porsyento ang idinadaing ang kabuuang transport expenses.
Ayon sa poll na isinagawa sa 15 bansa, 89 porsyento ng respondents ang nakikita ang transportasyon na mahalaga sa ekonomiya ng mga bansa habang 81 porsyento ang nagsabing impportante ito sa global economy.
Inihayag naman ng mayorya ng mga Pilipino ang suporta para sa mga polisiyang pumoprotekta sa transport workers mula sa pang-aabuso at pagtiyak sa kaligtasan sa trabaho.
Iginiit ng PISTON na makikita sa poll na nangunguna ang mga Pilipino sa pagkilala ng kahalagahan ng transport sa “coping with emergencies (95 percent), connecting rural communities (94 percent), national identity (88 percent), and addressing climate change (90 percent).”
Lumahok sa ITF Global Pollang mahigit 16,000 indibidwal mula sa 15 bansa. RNT/SA