MANILA, Philippines – Ginawaran ng Philippine National Police (PNP) ng Medalya ng Kagalingan (Medal of Merit) ang walong tauhan ng Antipolo City Police Station sa mabilis nitong pagresponde sa shooting incident na nagresulta sa car chase sa nasabing lungsod nitong Linggo ng hapon, Marso 30.
Sa pahayag ng PNP, personal na iginawad ni PNP chief Gen. Rommel Marbil ang award sa mga sumusunod na pulis:
Lieutenant Orlando Santos
Chief Master Sergeant Rannel Cruz
Corporal Kaveen-John Vea
Corporal Joeban Abendaño
Corporal Niño Chavez
Patrolman Reylan De Chavez
Patrolman Michael Keith Panganiban
Patrolman John Marc Manahan
Bago nito ay sinabi ni Antipolo police chief Lt. Col. Ryan Manongdo na maghahain ng reklamong multiple frustrated homicide ang pulisya laban sa motorista na namaril sa isang road rage incident sa Marcos Highway sa Sitio Calumpang ng kaparehong lungsod.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si alyas “Kenneth.”
“Siya po ay sasampahan ngayong araw na ito kumpleto na ang mga dokumento sasampahan ng multiple frustrated homicide and violation of BP (Batas Pambansa BLG) 881 or yung Omnibus Election Code,” ani Manongdo sa panayam ng Radyo 630. RNT/JGC