Obando, Bulacan – Dinagsa ng mga residente mula sa ibat-ibang barangay dito na apektado ng nakakasulasok na usok mula sa nasusunog na Navotas Sanitary Landfill ang pagdating ng mga doktor mula sa “Damayan sa Barangay” nitong umaga ng Abril 22.
Sa ulat, inilunsad ng Damayan Filipino Movement Inc sa pangunguna ni Athenie Fernando Ramirez Bautista ang Damayan sa Barangay nitong umaga ng Miyerkules, Abril 22 sa Brgy. San Pascual Elementary School.
Bandang 9:00 ng umaga ay mabilis na dumami ang mga residenteng may mga karamdaman partikular ang mga matatanda mula sa ibat-ibang barangay na gustong magpakonsulta.
Bukod sa konsulta, libre din ang mga gamot, laboratory, dental mission habang kabilang din ang pamamahagi ng reading glass at iba pang tulong sa mamamayan.
Piinayuhan din ni Bautista ang mga naroroong residente na mag-suob at pagkatapos ay huwag tumapat sa hangin ng electric fan upang hindi magkaplema.
Kaugnay nito, bandang 10:44 ng umaga patuloy pa rin ang pag-angat ng makapal na usok sa nasabing landfill.
Sinusulat ito, wala pang matukoy na araw at oras kung kailan titigil ang liyab at usok mula sa landfill. Dick Mirasol III