Home METRO Mga sangkot sa Wattah Wattah Festival kinasuhan

Mga sangkot sa Wattah Wattah Festival kinasuhan

MANILA, Philippines- Naghain na ng mga kaso laban sa dalawang indibidwal na sangkot sa kamakailang Wattah Wattah Festival sa San Juan City matapos mang-abala ng mga dumaraan sa pamamagitan ng pambabasa ng tubig sa pagdiriwang.

Kabilang sa mga nagsampa ng kasong unjust vexation at slander ang isang delivery rider laban sa isang residente ng San Juan, matapos lumabas sa isang video footage ng pambabasa ng dalawang indibidwal sa rider na aniya’y nakasira sa kanyang cellphone.

Hiniling ng rider na huwag siyang basain subalit hindi ito sinunod ng mga residente. Makikita pa sa video na tinulak niya ang kamay ng isang residente, subalit hinampas ng mga lokal ang kanyang helmet.

“Nagsabi po ako na, ‘Boss huwag po muna kasi mababasa po ‘yung cellphone ko.’  ‘Yung cellphone ko gamit ko po ‘yun sa pang araw-araw. Ngayon hindi po ako makakapag-deliver kasi nasira po,” anang rider sa ulat nitong Linggo.

Tumangging magkomento ang residenteng nahaharap sa kaso.

Nagsampa rin ng reklamo ang isang mag-asawa sa Barangay Batis dahil sa abalang dulot ng pamamasa, subalit naareglo na ito.

Sinabi ng San Juan local government na dalawang indibidwal ang kinasuhan, habang nahaharap ang tatlo sa paglabag sa ordinansa. Dalawa ang inireklamo ng coercion, subalit iniatras ang kaso.

Makikita sa viral video ang pagdila ng isang lalaki habang binabasa ang mga rider sa kalsada subalit sinabi ni San Juan Mayor Francis Zamora na base sa video, walang nilabag na ordinansa.

“Wala naman  po sa ating ordinansa na ang pagdila o ‘yung pagwa-water gun ay isang  violation,” aniya sa parehong ulat.

“Kailangan po mayroon tayong  private complainant para mai-file po ang kaso dito po sa ating  Prosecutor’s Office,” pahayag ni Zamora.

Ipinagbabawal ng ordinansa ng San Juan City ang pwersahang pagbubukas ng sasakyan ng mga indibidwal upang basain ang mga pasahero. Hindi rin maaaring akyatin o yugyugin ang mga sasakyan.

Sinabi ng local government unit na sa mga susunod na Wattah Wattah Festivals, magtatalaga sila ng mga lugar kung saan maaaring magbasaan. RNT/SA