Home NATIONWIDE Mga senior mas delikadong masapul ng respiratory syncytial virus – eksperto

Mga senior mas delikadong masapul ng respiratory syncytial virus – eksperto

MANILA, Philippines- Bagama’t madalas na iniuugnay ang respiratory syncytial virus (RSV) sa mga sakit sa mga bata, sinabi ni infectious disease expert Dr. Rontgene Solante na ang  senior citizens at matatanda na may comorbidities ay nahaharap sa mas malaking panganib na magkaroon ng isang malubhang anyo ng impeksyon na posibleng magresulta sa nakamamatay na mga komplikasyon.

Ang RSV ay isang nakahahawang virus na nakukuha sa pamamagitan ng paglanghap o esposure sa respiratory secretions ng isang taong tinamaan nito. Kabilang sa mga sintomas nito ang lagnat, pananakit ng ulo, sipon, pananakit ng lalamunan, ubo, at pagod.

Maaring makakuha ng malubhang impeksyon mula sa RSV ang mga mahina ang immune system lalo na ang mas matandang populasyon.

Bukod pa rito, nagbabala si Solante na walang partikular na paggamot na kasalukuyang magagamit para sa RSV sa mga nasa hustong gulang.

Ayon sa World Health Organization (WHO), tumataas ang rate ng pagkaka-ospital sa mga senior citizen na may edad 65 pataas. Nagkaroon din ng pagtaas ng dami ng namamatay sa mahihinang matatanda.

Dagdag pa ng WHO, nakapagpapataas din ng panganib ng malubhang sakit sa matatanda ang pagkakaroon ng isang pinagbabatayan na malalang sakit sa baga o chronic pulmonary disease,  circulatory conditions, at functional disability .

Sa Pilipinas, binanggit ni Solante na mas lumalaganap ang RSV sa panahon ng tag-ulan mula Setyembre hanggang Pebrero, na may pinakamataas na kaso sa pagitan ng Oktubre at Disyembre.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagpapaalam sa mga senior citizen sa mga panganib sa kalusugan ng RSV at kung paano nila mapapawi ang mga ito sa pamamagitan ng pagkonsulta sa medical professionals. Jocelyn Tabangcura-Domenden