MANILA, Philippines – Dapat na humarap sa witness stand at manumpa ang mga representative ni Vice President Sara Duterte na dumalo sa kontrobersyal na meeting kasama ang state auditors, ayon kay private prosecutor at House prosecution legal spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr.
Ani Tolosa, ito ang kanilang dapat gawin kung nais nilang ipaliwanag kung bakit hiniling ang audit query sa halip na isang Audit Observation Memorandum.
Dagdag pa niya, handa ang prosekusyon na pakinggan ang paliwanag ng kabilang panig.
“O, pwede nilang gawin yan kapag sila na magpe-presenta ng ebidensya, kung sino man ang sa panig nila na nag-attend ng meeting na yan, then they have to take the stand and answer it under oath,” sinabi ni Tolosa nitong Sabado, Agosto 8.
Ang meeting ay naisiwalat sa testimonya ni Wamil sa examination ng COA sa confidential funds, at inalala ng dating auditor ang kahilingan na mag-isyu ng audit query sa halip na AOM.
“Sabi nga niya, sa tagal niya doon, ito lang ang unang pagkakataon na nagkaroon ng ganung klaseng request, no, na bago ma-issuehan ng AOM, ang pakiusap, huwag nang AOM, mag-issue na lang ng audit query,” aniya.
“At sabi nga niya, hindi yan napagbigyan dahil wala yan doon sa joint circular. Dahil nga sa joint circular, kapag may problema sa mga dokumento na liquidation reports na sinusumite, AOM dapat ang ma-issue,” paliwanag pa ni Tolosa.
Iniuugnay ng prosekusyon ang naturang meeting sa timing dahil ito ay bago pa pormal na inisyu ang kinikwestyong audit observations.
“But, of course, let’s be fair, pakinggan din natin kung ano ang magiging eksplanasyon, no, ng kabilang partido dito. But of course, I mean, if they want to give an explanation, natural, it can be done in open court, di ba,” aniya. RNT/JGC