COTABATO CITY- Patay ang isang field commander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) habang sugatan ang kasama nito matapos tambangan at pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek kahapon ng tanghali sa bahagi ng Sultan Kudarat-Cotabato City-Datu Odin Sinsuat Diversion Road.
Kinilala ni Capt. Teofisto Ferrer, city police Station 2 commander, ang nasawi na si Norodin Mama, deputy commander ng MILF at residente ng Barangay Semba, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Sur.
Sugatan naman ang kasama nitong si Esmael Zainodin Balabagan, at taga-Dinaig Proper, ng naturang bayan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang krimen ng tanghali ng Oktubre 13, 2024, sa Cotabato East Diversion Road patungong Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Ayon kay Ferrer, minamaneho ni Mama ang multicab na may plate number MAE 4169 nang bigla na lamang itong pagbabarilin ng armadong suspek sakay ng motorsiklo.
Tinamaan sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktima na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan habang nilapatan naman ng lunas sa ospital si Balabagan matapos magtamo ng sugat sa katawan.
Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang suspek sa hindi malamang direksyon.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing krimen. Mary Anne Sapico