MANILA, Philippines – Magkakaroon ng misa sa Edsa Shrine ngayong Linggo upang manawagan para sa kapayapaan at pananagutan, ayon sa Clergy for Good Governance (CCG).
Kasunod ito ng insidente ng pamamaril sa Senado at ng pagbuo ng impeachment court para sa paglilitis kay Vice President Sara Duterte. Magkakaroon muna ng programa sa labas ng Shrine alas-10 ng umaga bago ang misa alas-12 ng tanghali na pamumunuan ni Most Rev. Teodoro Bacani Jr.
Matatandaang inimpeach ng House of Representatives si Duterte noong Mayo 11. Sinabi naman ni Senate President Alan Peter Cayetano na magtitipon bilang impeachment court ang Senado sa Mayo 18 at nilinaw niyang hindi layunin ng pagbabago sa liderato na ipagpaliban ang paglilitis.
Sa Facebook post ng CCG, sinabi nito: “The Senate was created to uphold accountability, not shield those facing serious questions before the Filipino people. Public office is not a hiding place from truth.”
“We call on the Senate to remember its duty to the nation and not to political alliances, dynasties or personalities,” dagdag pa nito.
Kaugnay naman ng tensyon sa posibleng pag-aresto kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa, kinumpirma ni Cayetano na umalis si dela Rosa sa Senado bandang alas-2:30 ng madaling araw matapos ang insidente ng pamamaril noong Miyerkules.
Si dela Rosa ay may arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) dahil sa umano’y papel niya sa madugong kampanya kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nanawagan din ang CCG kay dela Rosa na sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya nang may transparency at iginiit na “accountability is not persecution.”
Ayon pa sa grupo: “Public officials must answer difficult questions with transparency, humility and respect for the rule of law. Leadership carries responsibility, especially when lives, justice and human dignity are involved.” RNT/MND