Manila, Philippines – Pinadalhan na ng show cause order ang maybahay ni dating Presidential Spokesman Harry Roque na si Mylah kaugnay ng pagpapatuloy na imbestigasyon ng Quad Comm sa iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Ito ay matapos aprubahan ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, overall chair ng Quad Committee ang mosyon na padalhan ng show cause order si Mrs. Roque upang makapagpaliwanag kung bakit hindi siya dapat mai-cite in contempt matapos ang paulit-ulit na pang-iisnab sa imbitasyon ng komite.
Ang mosyon ay inihain ni Abang Lingkod Partylist Rep. Joseph Stephen Paduano bago tapusin ng Quad Committee ang ika-anim na public hearing na tumagal ng 12 oras.
Si Mylah Roque na dating trustee ng Pag-IBIG Fund na kumakatawan sa private employers, ay ilang ulit ng inimbitahan ng Quad Comm upang tumestigo kaugnay sa naging papel nito sa pagpapaupa sa umano’y ilang Chinese nationals na nauugnay sa iligal na POGO sa Bamban, Tarlac na naaresto sa isang raid na naganap sa PH2, isang subsidiary ng Biancham Holdings na pag-aari ng mga Roque.
Kabilang sa iniimbestigahan ng Quad Committee ang di umano’y pagkakasangkot ng dating Presidential Spokesperson, asawa nito at dating executive assistant na si Alberto Rodulfo “AR” Dela Serna sa nabanggit na aktibidad.
Sa nagdaang pagdinig ay nakapag-isyu na ng arrest order ang Quad Comm laban kay Roque matapos itong mai-cite in contempt dahil sa pagtangging magsumite ng mga dokumento na mahalaga sa imbestigasyon kasama na rin ang kaniyang tax records at Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Ngunit sa halip na magsumite ng mga dokumento ay inakusahan ni Roque ang Kongreso ng “power tripping” at nagsabing hindi siya susuko sa Kamara.
Naunang natukoy ng Quad Comm na binubuo ng Committees on Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights, at Public Accounts ang anila’y “overwhelming circumstantial evidence” na nag-uugnay kay Roque sa operasyon ng Lucky South 99, kung saan ang POGO hub na nasa Porac, Pampanga ay sinalakay ng mga otoridad noong Hunyo.
Sa naturang pagsalakay ay nabulgar ang mga iligal na aktibidad katulad ng human trafficking, torture, scam farms, prostitution, at pagkakaroon ng hub.
Nakuwestyon din sa pagdinig ang umano’y kahina-hinalang paglobo ng asset ni Roque sa kasagsagan ng POGO sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Hindi rin nakadalo sa pagdinig ng Quad Comm nitong Huwebes si Dela Serna dahil sa pagkakaroon nito umano ng flying class. Si Dela Serna ay nauna na ring umamin ng pagkakaroon nila ni Roque ng joint bank account na lalong nagbigay ng pagdududa sa mga kongresista kung ano ang kanilang personal na ugnayan at posibleng kaugnayan sa illegal POGO operations. (Meliza Maluntag)