NUEVA VIZCAYA, Philippines – Sa kulungan nagdiwang ng kanyang ika-27 kaarawan ang isang mister matapos mahuli sa isinagawang drug buy-bust operation ng pulisya sa Brgy. Roxas, Solano, Nueva Vizcaya.
Sa ipinarating na ulat kay PCol. Paul Bometivo, Acting Provincial Director ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office o NVPPO sa pinaigting na kampanya laban sa illegal na droga, ang nasamsam ay halos 15.03 gramo ng hinihinalang sbahu na may street value na P102,000 mula sa suspek.
Napag-alaman, ito ang pangalawang taon na naaresto ang suspek. Una siyang nakulong noong taong 2020 at nakalaya matapos ang dalawang taon sa pamamagitan ng plea bargaining agreement.
Depensa ng suspek, ibinilin lamang umano ito ng kanyang kasama na ideliver at sinabi umanong gamit ng motor ang laman ng parcel wrapper.
Sa loob ng nasabing wrapper, nakita ang isang pakete ng sigarilyo na ang laman ay tatlong sachet ng hinihinalang shabu.
Sa bandang huli ay inamin umano ng suspek na gagamitin lang umano sa panghanda ang kanyang pagbebentahan nito sa kanyang kaarawan.
Nahaharap sa kasong paglabag sa R. A 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (REY VELASCO)