Home METRO Mister ng alkalde at konsehal, patay sa heat stroke sa trail run

Mister ng alkalde at konsehal, patay sa heat stroke sa trail run

255
0

DAVAO CITY — Patay ang isang asawa ng alkalde at isang konsehal matapos umanong ma-heat stroke sa ginanap na trail run sa Davao del Norte, iniulat kahapon.

Kinilala ang mga nasawi na sina Klent John Brua, 39, asawa ng alkalde ng New Bataan, Davao de Oro, at Konsehal Eric Joseph Taping, 33, ng Montevista, Davao de Oro.

Batay sa report ng Davao Regional Police, kabilang ang dalawa sa ginanap na Bukindao Santo Tomas Mountain Trail Ultra sa Sto. Tomas, Davao del Norte nitong Linggo.

Sa gitna ng aktibidad, natagpuan na lamang si Brua na walang malay. Agad siyang dinala sa Santo Tomas Municipal Health Center para lapatan ng lunas, subalit idineklara na rin itong patay ng umatending doktor.

Samantala, nawalan din ng malay si Taping habang tumatakbo matapos makaranas ng pagsusuka at hirap sa katawan.

Isinugod siya sa Davao Regional Medical Center sa Tagum City at inilipat sa ICU. Gayunman, idineklarang patay si Taping noong Lunes ng umaga.

Tinitingnan ngayon ng mga awtoridad ang posibilidad na heat stroke ang sanhi ng pagkamatay ng dalawa dahil sa matinding init ng panahon noong araw ng event.

Ayon kay Police Major Eduardo Corpuz, hepe ng Sto. Tomas PNP, sinusuri rin nila kung nasunod ang tamang safety protocols sa trail run.

“Kung titingnan natin ang preparasyon, may standard na dapat kada 7 kilometro ay may nakatalagang safety station. Pero mukhang hindi ito nasunod,” ani Corpuz.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang mga organizer ng trail run at mga miyembro ng komunidad sa mga naiwang pamilya ng mga biktima.

/Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here