MANILA, Philippines – Nanawagan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista at sa pangkalahatang publiko na bumibisita sa kanilang mga mahal sa buhay sa All Souls’ Day at All Saints’ Day na magplano, magpasensya at maging ma-disiplina sa gitna ng inaasahang matinding trapiko.
“Unang-una nga po, kung dadalaw po kayo sa sementeryo, alamin po ahead of time iyong traffic schemes na pinapatupad ng local government unit para alam ninyo rin po kung saan kayo dadaan, ano po iyong mga road closure na iyan at saka saan po kayo magpa-park,” aniya.
“Sana po panatilihin ang lamig ng ulo sa pag-byahe, expect that there will be volume of vehicles na madi-delay po iyong biyahe ninyo, panatilihin po iyong lamig ng ulo, disiplina ang pa-iralin, sumunod po sa panuntunan ng batas ng trapiko. Ito po ay para sa kaligtasan ng lahat sa pagbyahe pagbalik dito sa Metro Manila,” dagdag niya.
Sinabi ni Nebrija na ang MMDA ay nagtalaga ng kabuuang 2,400 tauhan mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 3 upang pamahalaan ang trapiko, magbigay ng tulong at mapanatili ang kalinisan sa mga pangunahing kalsada at sementeryo.
Aniya, ang ahensya ay nagpapatupad ng patakarang “no absent, no leave, no day off” sa loob ng limang araw.
Aniya, partikular na binabantayan ng MMDA ang limang sementeryo sa Metro Manila — Manila North at Manila South, Loyola Memorial Park sa Marikina, Bagbag Public Cemetery sa Quezon City, at San Juan City Public Cemetery.
Ang mga pampublikong tulong na tolda ay itinayo kasama ng iba pang ahensya ng gobyerno, tulad ng Philippine National Police, Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Land Transportation Office, at Philippine Drug Enforcement Agency.
Mahigpit din aniya ang pakikipag-ugnayan ng MMDA sa North Luzon at South Luzon Expressways, kabilang ang Manila-Cavite Toll Expressway at Cavite-Laguna Expressway, para sa traffic management.
Sa kabilang banda, sinabi ni Nebrija na ang Metro Parkway Clearing Group ng MMDA ang mangunguna sa mga operasyon ng paglilinis pagkatapos ng “Undas”.
Sinabi din ni Nebrija na ang mga local government unit ay nagpapatupad ng magkahiwalay na traffic rerouting schemes at parking rules sa paligid ng mga sementeryo. RNT/MND