MANILA, Philippines – Ipinahayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magpapatupad ito ng “single dispatch system” para sa mga sasakyang nagbibigay ng libreng sakay at rescue sa darating na transport strike sa Marso 26-27.
Ayon sa MMDA, layunin nitong maiwasan ang kompetisyon sa mga public utility vehicles na hindi sasali sa tigil-pasada.
“A single dispatch system will be implemented for rescue vehicles or vehicles offering free rides to avoid competing with drivers who will not join the transport strike,” ayon sa ahensya.
Nakipag-ugnayan na rin ang MMDA sa mga local government units (LGUs) sa Metro Manila para sa maayos na paglalagay ng libreng sakay para sa mga maaapektuhang pasahero.
“If the LGU already dispatched free rides, the MMDA will no longer do this,” dagdag pa nila.
Bukod dito, ia-activate din ng MMDA ang kanilang Emergency Operations Center upang bantayan ang sitwasyon ng trapiko.
Ang dalawang araw na transport strike ay pangungunahan ng iba’t ibang grupo ng jeepney, bus, UV Express, at TNVS drivers bilang protesta sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na nakaaapekto sa kanilang kabuhayan.
Kabilang sa mga sasali ang grupong Manibela na pinamumunuan ni Mar Valbuena, pati na rin ang Piston na nauna nang nagsagawa ng kaparehong welga upang igiit ang pagbaba ng presyo ng langis at pagsuspinde ng buwis sa fuel. RNT/MND