Home NATIONWIDE Modernisadong disaster hub sa Cebu, binisita ni PBBM

Modernisadong disaster hub sa Cebu, binisita ni PBBM

154
0

CEBU, Philippines – Mabilis na pagresponde sa mga sakuna ang binigyang diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang pagbisita sa bagong inayos na Visayas Disaster Resource Center (VDRC) sa Mandaue City, Cebu nitong Huwebes.

Ang Visayas relief hub ay pinagbuti at pinahusay para mapabilis ang kahandaan at  pagtugon sa mga sakuna at kalamidad.

“Ito ang unang pagkakataon na ang pambansang pamahalaan ay nagbibigay ng ganitong klase ng food pack. Noong nakaraan, kung saan-saan na lamang kumukuha ang mga biktima. Pero ngayon, nakakapagbigay na ang pamahalaan. Kaya maganda ang naging pasilidad natin,” ayon sa Pangulo matapos ang inspeksyon sa makabagong pasilidad.

Ayon sa Pangulo, ang limang bagong linya ng Mechanized Production System ay sadyang dinisenyo at ginawa para sa Pilipinas.

Pinapabilis ng bagong sistema ang produksyon at gumagamit ng machine-operated vacuum sealing upang mapahaba ang shelf life ng mga food pack, maiwasan ang infestation, at maging handa para sa pangmatagalang imbakan at prepositioning sa mga lugar na madalas tamaan ng sakuna.

Sinabi ng Pangulo na may kasalukuyang apat na milyong food packs na nakaimbak sa VDRC na handa nang ipamahagi, at patuloy pa ang produksyon hanggang umabot sa mahigit 5 milyong FFPs.

Tiniyak din niya na ang mga food pack na malapit nang mag-expire ay ipinamamahagi nang libre sa mga nangangailangan bilang bahagi ng sistema ng ayuda ng pamahalaan.

Dagdag pa ng Pangulo, tumutulong ang pasilidad sa iba’t ibang insidente ng sunog at iba pang operasyon sa pagtugon sa sakuna, kabilang ang mga lugar na apektado ng aktibidad ng bulkan.

Ang pag-upgrade ng VDRC ay alinsunod sa direktiba ng Pangulo sa Department of Social Welfare and Development na tiyakin ang agaran at sapat na paghahatid ng tulong sa mga pamilyang apektado ng kalamidad.

Sa pagpapalakas ng produksyon, mas mabilis at mas epektibong makakatugon ang pamahalaan sa malalaking sakuna, kabilang ang mga liblib at bulnerableng komunidad.

Ang Visayas hub ay katuwang ng serbisyo ng Luzon Disaster Resource Center sa Pasay City.

Samantala, may pansamantalang hub sa Mindanao at inihayag ng Pangulo ang plano na magtayo ng permanenteng Mindanao Disaster Resource Center sa Butuan City.

Sa buong bansa, may 17 mobile kitchens ang pamahalaan na nagbibigay ng mainit na pagkain sa mga evacuation center at 16 mobile command centers upang mapabuti ang koordinasyon sa panahon ng sakuna.

Sinusuportahan din ng VDRC ang mga programang tulad ng Emergency Cash Transfer at Cash-for-Work na nagbibigay ng tulong sa mga indibidwal na kumikita ng mas mababa sa minimum wage.

Pinondohan sa ilalim ng National Disaster Risk Reduction and Management Fund, natapos ang upgraded MPS noong Hulyo 2025.

Sa isinagawang inspeksyon, inikot ng Pangulo ang imbakan ng materyales, imbakan ng family food packs, at ang parehong manual at mechanized production facilities.

Nasaksihan din niya ang pagkakarga ng mga food pack sa mga trak na dadalhin para sa prepositioning sa mga tanggapan ng DSWD sa Iloilo City at Butuan City. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here