TARLAC, Philippines – Patay ang isang motorista, habang nasa kritikal na kondisyon ang kanyang isang taong gulang na anak na babae, matapos mabangga ng trak ang kanilang sasakyan sa kahabaan ng highway sa Gerona, Tarlac, nitong Biyernes ng umaga.
Nawalan ng kontrol ang driver ng truck dahil sa mekanikal na problema na naging dahilan ng pagkakabangga niya sa sasakyan.
“Yung truck biglang nag-swerve nang konti doon sa left side, so approaching po ‘yung ating kotse doon, Sir, so doon nagkabanggaan. Nawalan daw po siya ng kontrol doon sa makina,” ayon kay Gerona Police acting chief Police Lieutenant Colonel Edilberto Santiago.
Dead on arrival sa ospital ang driver ng nabanggang sasakyan. Naka-confine naman ang kanyang anak sa intensive care unit, habang ligtas naman ang kanyang asawa.
Nakikipag-ugnayan na ang abogado ng may-ari ng trak sa mga biktima, ayon sa ulat.
Nasa kustodiya na ngayon ng pulisya ang driver ng trak habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. RNT/MND