MANILA, Philippines – Muling binuksan sa publiko ang pinakamataas na peak sa Zambales na Mt. Tapulao matapos ang isang buwang pagsasara para sa trail rehabilitation at environmental cleanup, ayon sa municipal tourism office nitong Biyernes, Pebrero 27.
Sa panayam, sinabi ni Ronwhell Ednalan, pinuno ng local tourism office sa Palauig town, na nasa 20 sako ng basura kabilang ang mga bote ng alak, lata, wet wipes at plastic wastes ang nakolekta mula sa bundok at mga trail nito.
Aabot sa 100 volunteer kabilang ang mga tour guide, tauhan mula sa tourism office, disaster risk reduction and management office at iba pang ahensya ang lumahok sa clean-up drive noong nakaraang linggo.
Matatandaan na isinara ang bundok noong Pebrero 1 kasunod ng mga report ng dumaraming basura.
Sa datos, nasa 3,200 hiker ang umakyat sa Mt. Tapulao noong nakaraang taon, lampas sa 2,166 na naitala noong 2024.
Sa pagbubukas, mahigpit na ipatutupad ang “Basura mo, Uwi mo” policy.
Dapat na magdala ng sariling garbage bag ang mga hiker at mag-iwan ng P500 deposit na may valid ID na ibabalik lamang kung makakapagpababa sila ng kanilang mga basura. RNT/JGC