Home METRO Nadiskubreng kush inabandona sa Pasay bus terminal

Nadiskubreng kush inabandona sa Pasay bus terminal

MANILA, Philippines – Narekober ng mga miyembro ng Pasay City police ang pinaghihinalaang flowering tops ng marijuana (Kush) at iba pang drug paraphernalia na nakapaloob sa isang naiwang bagahe sa isang terminal ng bus sa lungsod nitong nakaraang Biyernes.

Sinabi ni Pasay City police chief P/Col. Mario Mayames na ang naiwan o iniwang bagahe ay nadiskubre bandang alas 11:30 ng umaga sa Partas bus terminal na matatagpuan sa kahabaan ng Aurora Boulevard, Pasay City.

Ayon kay Mayames, nadiskubre ng isang empleyado ng bus terminal na nakilalang si alyas Christian na nakatalaga sa cargo service ang nakadiskubre ng naiwang bagahe na nakabalot sa isang kulay berdeng paper bag.

Makaraang madiskubre ni alyas Christian ang misteryosong package ay naghintay ito ng ilang oras ngunit walang nagke-claim nito kung kaya’t nagdesisyon na itong abisuhan ang nakaduty na security guard sa nabanggit na terminal na siya namang nag-abiso sa naka-duty na police officer na si Pat. Christian Nisperos na nakatalaga sa Police Assistance Desk sa lugar.

Agad na itinawag ni Nisperos sa Pasay Police Security Team (SECU) ang nadiskubreng package kung saan mabilis na isinecure nito ang lugar bago ininspeksyon ang package.

Sa pagbukas ng package ay nadiskubre sa loob nito ang isang plastic bag na naglalaman ng pinaghihinalaang flowering tops ng marijuana (kush) na tumitimbang ng 35 gramo at nagkakahalaga ng P52,500.

Dagdag pa ni Mayames na bukod sa nadiskubreng kush ay naglalaman din ang package ng apat na piraso ng Turn Unicorn Party (21+) disposable vape pen devices na naglalaman naman ng concentrated marijuana oil na may halagang P18,630. (James I. Catapusan)