MULING sasalubungin ng mga biyahero ang mas mataas na singil sa paliparan matapos ihayag ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang pagpapatupad ng bagong passenger service charge (PSC) o terminal fee simula Setyembre 14, 2025, kasabay ng unang anibersaryo ng pagpasa ng operasyon nito sa pribadong sektor.
Mula sa kasalukuyang Php 200.00 para sa domestic flights at Php 550.00 para sa international departures, tataas ang bayarin sa Php 390.00 at Php 950.00 ayon sa pagkakasunod. Ayon sa Manila International Airport Authority (MIAA), hindi umano maaapektuhan ang demand sa paglalakbay dahil matagal nang inanunsyo ang dagdag-singil at maaaring naisama na ito sa budget ng mga pasahero.
Mahigit dalawang dekada na ring hindi nagbabago ang PSC sa NAIA. Samantala, target ng New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC), ang bagong operator, na mahigitan ang 53 million na pasahero ngayong taon, matapos maitala ang record-breaking na 50.1 million noong 2024.
Sinabi ni Department of Transportation acting secretary Giovanni Lopez na ang pagtaas ay bahagi ng Php 170.6 billion redevelopment project ng NAIA. Gayunman, aminado siya na nasa kamay ng Supreme Court ang huling desisyon matapos kuwestiyunin ng mga petitioner ang kontrata sa NNIC.
Para sa mga nagrereklamo, hindi makatarungang ipataw ang dagdag-singil kung wala pang nakikitang pisikal na pagbabago sa NAIA, na madalas ireklamo dahil sa siksikan, mabagal na serbisyo, at mga lumang pasilidad.
Sa panig ng consumer groups kagaya ng SUKI Network, iginiit nilang kayang mag-operate ng NAIA kahit walang dagdag na PSC, kagaya ng naitala ng dating operator na Php 7.64 billion net income noong 2024.
Matatandaan na noong 2019, nagkaroon din ng panukalang itaas ang PSC ngunit hindi ito itinuloy dahil sa pagtutol ng publiko.
Sa Southeast Asia, mas mababa pa rin ang kasalukuyang terminal fee ng NAIA kumpara sa ibang paliparan kagaya ng Changi Airport (Singapore) at Suvarnabhumi Airport (Thailand), ngunit malayo ang kalidad ng serbisyo.
Ang Php 170.6 billion na redevelopment project ng NNIC ay nakatuon sa pagpapalawak ng mga runway, modernisasyon ng mga terminal, at pagpapahusay ng baggage handling at passenger flow system.
Ayon sa mga eksperto, maaaring maging pagsubok ang dagdag-bayarin sa sektor ng turismo kung hindi agad makikita ang inaasahang reporma sa NAIA.






